"The 'Thank You' Girls" showing in New York
Inatake ako ng ADHD
I-photoshop ko kaya ang aking sarili?
O di kaya, maglagay ng piercing sa gitna ng ilong?
O magmahal ng temporary, yung good while boredom lasts, dalawa or tatlong oras.
"The 'Thank You' Girls" at the 45th Chicago International Film Festival
From the 45th Chicago International Film Festival website, "The 'Thank You' Girls" is summed up as: This celebration of a singular family of drag queens follows a hapless group of beauty pageant contestants who leave the big city in search of fame, glamour, and adoration out in the rural provinces. This lighthearted, brightly colored romp draws us in—past the girls’ glamorous façades to their destructive everyday habits—as they tear through the Filipino countryside.
TYG is part of the festival's World Cinema and OUTrageous sections. Screening schedules:
- Oct 12, 2009 9:30pm – $12/$9
- Oct 17, 2009 10:30pm – $12/$9 Producer Jim Hohl scheduled to attend
- Oct 18, 2009 8:00pm – $12/$9 Producer Jim Hohl scheduled to attend
"The 'Thank You' Girls" in Calgary Int'l Film Festival
It will be shown on October 4, 7:00pm at the Eau Claire Market - Cineplex Odeon Screen #2.
Ikaw, siya at ang lihim na espasyo
"Pasensiya na."
"Ano ka ba, hindi mo na kailangan himingi ng dispensa." Hilaw na ngiti ang tugon niya.
At tulad ng dati, hindi mo iyon napansin. Dahil siguro, ganoon ka na bilang tao. Mas gusto niyang isipin na hindi.
"Maraming bago sa buhay mo ngayon 'no?"
"Masaya ka ba para sa akin?" tanong mo.
"Oo. Oh well, hindi oo na oo."
"Biglaan lang lahat. Ganoon nga siguro kapag nakita mo na ang taong para sa'yo."
"Wag kang mag-alala. Sa bandang huli, sasalubungin din kita. Hindi para pangitiin ka kundi para pagtawanan ka."
"Ano ka ba naman. Ngayon lang ako naging masaya. Uli."
"Pasensya na". Nakatingin siya sa semento. Binibilang ang mga pulang langgam na dumadaan sa ilalim ng kanyang pulang tsinelas.
Bakit ba kasi hindi mo maramdamang mas gusto niyang siya ang samahan mo kesa sa iba.
Hindi pa pala niya kayang tapusin ang kwento niyo.
Bituing katulad ng rosaryo
Nawala na ang punong mangga sa gilid ng bahay na iyon na lagi niyang inaakyat. Iniiwasan niya itong tingnan mula sa kanyang kwarto dahil ang sabi ng mga kalaro niya, may isang malaking kapre ang nakatira doon. Isang gabi ng Miyerkules Santo, araw kung kelan malapit nang mamatay ang Panginoon, nag-ipon siya ng lakas ng loob para silipin mula sa kanyang bintana ang puno at marahil dala ng kanyang labis na takot o pag-iisip na totoo ngang may kapre ay nakakita siya ng isang bolang apoy na naglalakad sa hangin. Napatalukbong siya sa kanyang kumot at nang hindi na niya matiis ang takot ay tumakbo siya sa loob ng kwarto ng kanyang mga magulang at doon na nagpalipas ng gabi.
“Hindi kapre yun. Baka santelmo lang.” sabi ng nanay niya pero mas lalo siyang natakot dahil kalaro niya mismo ang nagsabing ang apoy na iyon ay mula raw sa dugo ng patay na may kaluluwang hindi mapakali.
Nagsipag-alisan na sa kanilang lugar ang kanyang mga kababata na kadalasan kaysa sa hindi, ay nakakaaway niya dahil madalas siyang dayain sa laro nilang siyatong, piko, chinese garter, kikbol at patintero. Wala na ang liga ng basketbol na madalas niyang inaabangan tuwing Mayo, buwan ng matinding sikat ng araw, na inooganisa para sa nalalapit na piyesta ni San Juan tuwing Hunyo. Nguni’t bago niyan, ay ang prusisyon ng Flores de Mayo kung saan ang mga katekista ang pumipili ng mga batang nagsisipagganap bilang mga tauhan sa bibliya at sa hapon ng pinakahuling araw ng buwan ng mga bulaklak, iikot ang prusisyon sa buong subdibisyon at papanoorin iyon ng mga nakakatandang natutuwa sa mga magigiliw na mga bata. Siya ang laging napipili na Joseph, ang asawa ni Maria na ama ni Hesus. Pero ang totoo niyan, gusto niyang maging isa sa mga anghel na may hawak ng mga letrang A-V-E-M-A-R-I-A pero sa malas niya, hindi siya napipili. Naisip niya, siguro masyado siyang payat para magkaroon ng pakpak.
Sa bahay na iyon niya ipinagdiwang ang pinakamasaya niyang kaarawan kung saan nagluto ang nanay nya ng ispageti na walang hotdog at nagtimpla ng juice na may napakaraming tubig. Walong taon siya noon at hinding-hindi niya iyon makalimutan sa dalawang kadahilanan. Una, dahil iyon ang una at huling pagkakataong nagkaroon ng handaan para sa kanyang bertdey. Pangalawa, dahil nakisaya ang pinakauna niyang crush, ang kapitbahay at kababatang si Monet. Laking tuwa niya noong inabot ni Monet sa kanya ang basong pinag-inuman nito ng juice at buong kilig niya itong pinuno uli at doon siya uminom. Sinigurado niyang ang parte ng baso kung saan dumampi ang mga labi ng kanyang childhood crush ang kanyang magagamit. Hindi man nakita ni Monet iyon pero para sa kanya, iyon ang kanyang first kiss.
“Nasaan na kaya siya?” tanong niya sa sarili.
Napangiti siya nang maalala niyang sa abi ng kanyang ika-walong kaarawan ay nalaman niyang may gusto si Monet sa kanyang malayong pinsan at kapitbahay rin na si Gina. Kung nasaktan man siya noon ay hindi na niya maalala pero maaaring isa iyong pangitain sa kanyang magiging kapalaran, maraming taon ang dadaan. Maaaring kapalaran nga niya ang pag-ibig na hindi nasusuklian.
Antagal na nga niyang hindi humiga sa parteng iyon ng balkonahe at kung hindi pa niya naamoy ang dama de noche, hindi niya maalala ang mga mukha at pangyayaring naging dahilan kung bakit napakasaya ng kanyang kabataan. Lumipas man ang panahon pero mananatiling naroon ang mga bituing nagkukumpulang parang rosaryo. Kung para sa susunod na henerasyon na magmamasid sa mga ito, iba ang magiging kahulugan nila pero para sa kanya, mananatili silang napakagandang alaala.
Sino ka ba!
Masyado kang dressed to kill. Kapag kasama kita, pakiramdam ko, yaya mo ako. Hindi ba pwedeng mag-shorts at mag-tsinelas ka na lang, kakain lang naman tayo sa The Fort ‘no! Masyado kang mabango. napapahiya ang Vitasoft (baby fresh) cologne ko. Masyado kang malinis, antagal-tagal mo sa banyo. Ano bang ginagawa mo dun? Naliligo ka ba sa gatas ng ina? Daig mo pa ang babae sa tagal mo magbihis. Iwan kaya kita!
Masyado kang vain at superficial. Kapag katabi kita, mortal sin ang pagpawisan kasi pakiramdam ko andumi-dumi ko na. At ang pinakanakakaloka sa lahat, wala kang barkadang pangit! O siguro naa-associate ko lang ang kutis-mayaman sa pagiging gwapo. Sandali, bakit ba ‘fuck!’ ka ng ‘fuck’. Hindi ba pwedeng mag-‘putang ina ka’ na lang. Yung kasinlutong ng La-La. Oo, fish cracker yun, hindi pet name ni Lady Gaga. Ambabaw mo talaga, wala kang depth.
Hay naku, masyado kang pa-kyut, hindi ako natutunaw sa mga ngiti o titig mo. Masyado kang pa-impress, nakakainis! Ni hindi nga ako nakikinig sa mga kwento mo. Alam mo bang nakaka-turn off yang ginagawa mo? Nakailang hikab na kaya ako, wish ko lang mapansin mo. Wala kang ibang alam pag-usapan kundi gym at kotse? Wala nga ako nun! Isa akong butanding na mahilig lumamon at nilalakad ko lang ang Batasan papuntang MOA.
Kaya sorry ka na lang, hindi ako nakakarelate sayo kapag bagot na bagot ka na sa kakahintay sa driver mo dahil coding ka. Ni hindi mo nga alam paano mag-commute. Kaya pala natameme ka nung sinabi ko sayo minsan na may tinulak akong lalake sa harap ng rumaragasang jeep, akala ko kasi holdaper. “Hindi ba masyadong mausok sa jeep?”, tanong mo. “Obvious ba”, sagot ko. Hindi ko alam kung bakit, basta tumawa ka na lang bigla. Mina-mock mo ba ang pagiging mahirap ko! “Hindi, ah.” pa-kyut mong sabi. Nakup! Sarap mo talagang tampalin.
Masyado kang maselan, akala mo dati nakakalason ang isaw. Oo, streetfood din ang banana cue tulad ng adidas at betamax. Ni wala kang idea kung gaano kasarap ang kwek-kwek at monay. Hindi mo alam kung ano ang biko at karyoka. Ang tawag mo sa kalabasa ay ‘yellow thing’. Try mo kaya kumain nun. Salpak ko sa bunganga mo, eh. Di kaya hypochondriac ka lang?
Akala mo cool ka dahil masyado kang pa-film buff? Laking tuwa mo siguro nung tinanong mo kung napanood ko na ang “Nosferatu” at ang sagot ko ay hindi. May evil grin kapa, kasi for once, nalampasan mo ang IQ ko. If I know, tulad ko, hindi mo rin naintindihan ang semiotics nun. Eh di ka nga nanonood ng sine kapag hindi Hollywood at diring-diri ka sa pelikulang Tagalog. Dati nga, akala mo si Einstein ang umimbento ng telepono at hindi mo alam ang ibig sabihin ng “compromise” at “sulking”. Turn-off ka talaga.
Masyado kang maarte. Mahilig ka pa sa musicals. “Ewe. You’re so gay”, trip kong sabihin kapag binabalahura kita. Oo, balahura. Sensya, hindi ko alam ang English equivalent nun. Basta, ‘yun na ‘yun. Sumasakit ang ulo ko sa R&B at Bossa, ano ba. Walang angas ang taste mo sa music. Pa-kyut ka nga! At masyado kang colonial mentality. Di porke’t nanonood ako ng local tv channels eh mababang uri nako ng tao. Kabilang kaya ako sa tinatawag na diverse at intelligent viewing public. Kunwari ka pa diyan, eh tawang-tawa ka kaya kay Pokwang! Ayaw mo lang aminin, baka kakantyawan ka ng mga friends mo.
Masyado kang spaced out. Natatawa ka sa mga sarcastic kong hirit hindi dahil naintindihan mo ang mga ‘yun kundi naa-amuse ka lang kung paano ko siya dini-deliver. Laking gulat mo, di ba, nung sinabi kong nanonood ako ng PBA at Ultimate Fighting Challenge. Sabi ko, ansarap ng mga basketball player! Mababaho ang mga yan, sagot mo. Inggit ka lang, sabi ko, kasi hindi ka kasintangkad at kasinggaling nila.
Hay naku. Sino ka ba! Eh, isa ka lang naman sa libu-libong generic na aesthetically gifted guys na pakalat-kalat diyan sa mga makokonyong lugar. Allergic kaya ako sa konyo! Pero pakshet, nami-miss kita.
Ikaw, siya at ang beer sa lalamunan
“Oo. Yung bandang kumanta nyan, sabay-sabay silang namatay sa isang plane crash,” sabi mo.
“Kinilig ako nung kinanta siya nina Ally McBeal at Antonio Sabato, Jr. sa isang episode kung saan nag-hire si Ally ng male escort para magpanggap na boyfriend niya. May gusto kasi siyang i-prove. Nagselos si Billy, yung childhood sweetheart niyang may-asawa na.”
“Weird ako. Hindi ako mushy.”
“Applicable kasi sa akin ang life imitates art. Mas masarap mabuhay sa hindi makatotohanang mundo.”
“Bakit ba pag-ibig na lang lagi ang bagahe mo?”
“Kasi matagal ko na siyang hindi nararamdaman.”
“Mature ba tayo?”
“Hindi. Sa lahat ng tao, pakiramdam ko, ako na lang ang hindi nagbago.”
“Gusto mong isipin na hindi siya masama?”
“Sana nga hindi masama na manatili akong isip-bata.”
“Siguro naman.”
“Kasaysayan na lang ang huhusga sa atin.”
“Sa atin.” Pag-uulit mo.
“Ako ang representasyon ng sawing pag-ibig.” Seryoso siya.
“Nakakatawa naman.”
“Ikaw ba hindi?”
“Ganon din ang pakiramdam ko.”
“Kaya nga tayo nandito, di ba.”
“Dala-dala ang parehong bagahe.”
“Sa magkaibang lebel.”
“Bakit?”
“Basta. Sigurado akong magkaiba tayo ng nararamdaman.”
“Sa parehong konteksto.”
“Pwede rin.”
Hindi na nila alam ang susunod na sasabihin sa isa’t isa.
“Uy…” hindi ka niya matingnan ng diretso.
“Bakit?”
Gusto niyang hawakan ang kamay mo. Pero hindi niya magawa. [Ang totoo niyan, gusto na niyang tapusin ang kwento niyo. Para sa’yo kaya?]
Confrontation three
Salamat pero hindi mo naman kailangang makinig sa mga pagdadalamhati ko. Ano ka ba, wala ‘to. Ang totoo niyan, napapasaya ako ng mga bagay-bagay na nakakasakit sa akin. Mas nalulungkot ako sa katotohanang hindi ako ang dahilan ng kalungkutan niya. Ngayon, unti-unti ko nang pinag-aaralan kung paano lumayo sa kanya. Wag mo na kasi ako bigyan ng pansin, hindi ako sanay na may nag-aalala sa akin.
Salamat nga pala sa dalawang galong ice cream na binili mo. Naubos ko siya ng isang upuan habang nanonood ng “Nightmare on Elm Street” at “Petrang Kabayo”. One and Two. Talagang alam mong iyon ang gamot ko sa pag-eemo, no? Nagprisinta ka na namang lutuan ako ng pasta. At dahil hindi pula ang sauce na ginamit mo, tatlong kawali ang nilamon ko habang paulit-ulit na nakikinig ng System of a Down, Saydie, Slipknot, Rage Against the Machine at Aegis. Ng sabay-sabay. Oo, headbanger ako.
Salamat sa plano mong bigyan ako ng dalawang maltese terriers pero ang totoo niyan, panda at koala ang gusto kong gawing house pets. Minsan nga, gusto ko rin mag-alaga ng penguin at oras na malaman mo yun, sigurado akong bukas na bukas din, lilipad ka ng Alaska para hulihin ang pinaka-kyut na penguin sa buong kapuluan. Nga pala, ang gusto ko ay yung penguin na polka dot ang balat ha, kung sakaling may makita ka.
Salamat din pala sa pagsasabing anggaling-galing ko kahit lahat ng tao, tae ang tingin sa obrang ginawa ko. Kahit papaano, naiaangat ko ang sarili kahit man lang sa paningin ng mga taong tulad mo.
Hindi ko namalayan isang gabi na nakalutang na pala ako sa Ilog Pasig sa sobrang kalasingan pagkatapos kong languin ang apat na kahong sioktong at bangag dahil sa limang piraso ng katol na sabay-sabay kong tinira dahil mag-isa kong ipinagdiwang ang kaarawan niya. Dumating ka sakay ng isang helicopter para iahon ako pero hindi ko natatandaang ikaw ang tinawagan ko.
Siya, na pinapangarap kong sumagip sa akin, ay nalunod rin pala sa sarili niyang kalungkutan dahil hindi man lang siya binati ng taong pinangarap niyang bubuo sana ng bertdey niya. Teka, pupuntahan ko siya. Kailangan niya ng makikinig at dadamay sa kanya. Hindi mo na ako kailangang samahan pa.
Kaya, sa muling pagkakataon, heto na naman ako, nakamasid sa kanya habang ipinagluluksa ang pag-ibig niya para sa taong may mahal namang iba. At ikaw, bakit ka ba laging handang magmasid sa akin?
Paulit-ulit mo mang sabihin at iparamdam sa akin, maraming salamat pero hindi ko kailangan ang pagmamahal mo.
Ang paghihiganti ni Cofradiang Panget
Hindi mo man lang ako pinakinggan noong unang beses kong sinubukan na lapitan ka at ibigay sayo ang card na pinagpuyatan kong buuhin. Isinulat ko ang tulang ginawa ko para sayo at nilagyan ko ng tatlong petals ng bughaw na rosas para maiparamdam ko ang paghanga sayo. Hindi mo man lang tinanong ang pangalan ko at mabilis mo akong sinipa ng iyong napakatigas na paa. Black belter ka nga pala. Ang iniwang alaala nun ay ang marka ng swelas sa mukha ko na araw-araw kong tinititigan sa salamin dahil umaasa pa rin ako na sana, umilag na lang ako.
Nakita kita sa mall kasama ang nililigawan mong sikat na artista. Lumapit ako para ngitian ka dahil gusto kong ipakita sayo ang bagong linis kong ngipin pero hindi ko pa naibukas ang mga labi ko ay sinigawan mo na ako at ipinahiya sa mga taong dumadaan. Tinulak mo ako sa salubong na escalator at hindi ka pa nakuntento, nilagyan mo ng dinikdik na sili ang nabasag kong bungo at sinabi mong wag na wag na kitang susundan. Nakatingin sa akin ang nililigawan mong sikat na artista habang humahalakhak sabay sabing “belat”. Sana sinampal mo lang ako noon. E di sana, hindi nakalabas ang utak ko ngayon dahil sa nabasag kong bungo.
Naiihi ako noon kaya pumasok ako sa isang sosyal na restawran at doon, kumakain ka kasama ang bago mong nililigawang sikat na model. Nakita mo ako at hinila papunta sa kusina at walang kaabog-abog na itinali mo ang mga kamay at paa ko sa tangke ng gas sabay sabing “wag mong gambalain ang pagkain ko dahil nasusuka ako kapag nakikita ko ang pagmumukha mo!” Natuwa ako kahit papaano dahil natatandaan mo ako. Siguro, naaalala mo ang sapatos mo kapag nakikita ako. Inutusan mo ang mga kusinero na i-bake ako sa oven at kapag naging golden brown na ako ay ilagay ako sa loob ng pridyidir upang manigas at nang hindi ka na magambala pa habambuhay. Pag-alis mo, imbes na sundin ang utos mo ay ginahasa ako ng sampung tagapagluto, benteng waiter, tatlong sekyu pati na ng babaeng cashier at baklang manedyer.
Hindi ko inisip na api ako pero katulad ng mga bida sa fairy tales at telenovela, nakapag-asawa ako ng bulag na mayaman na siyang nagbigay sa akin ng lahat ng hihingiin ko. Siya, na hindi ko rin sigurado kung minahal nya nga ako o napapanatag lang siya sa katotohanang may nilalang na mas masaklap pa ang sinapit kaysa sa sarili niya. Oportunista ako kaya mayaman na ako ngayon. Sikat at tinitingala ng mga taong dati nag-aakalang isa akong estatwa sa gitna ng garden ng namatay kong asawa. Pero, higit sa anumang pagtanggap ng mundo sa bagong ako, sinigurado kong mabubuhay ako ng matagal upang sa pagdating ng araw na ito, maisagawa ko ang paghihiganting inaasam-asam ko.
At ngayong kaharap na kita, nakapagtatakang ni awa o galit sa’yo ay hindi ko maramdaman. Ni pag-ibig, pagnanasa o libog ay wala na rin. Napatitig na lang ako sayo at napagtantong ang trahedya ko lang ay masyado kasi akong mahilig sa gwapo.
TYG showing at Cinemalaya '09
"The 'Thank You' Girls" opens the LGBT Specials at Cinemalaya 2009 on July 18, Saturday, 9PM at Cultural Center of the Philippines Silangan Hall.
O, pano. Cinemalaya, sambahin niyo ako uli!
Confrontation, too.
Kaya pala gabi-gabi, hindi ka mapakali hangga’t hindi mo nasisiguradong nakauwi na siya o nakakain na ng hapunan. Anlaki siguro ng ngiti mo kapag kasama siya ‘no? Mahilig ba siya sa mga mamahaling restaurant o sa tabi-tabi lang tulad mo? Ayaw din ba niyang magbasa ng Twilight books tulad mo? Antalino siguro ng mga balitaktakan ninyo. Huwag na, ayokong sumabay kapag nagdinner kayo, baka malunod lang ako.
Sabay din ba kayong nanonood ng anime? Sabi mo, mahilig kayong mamirata ng dvd at manood ng pelikula na gustung-gusto niyong dini-deconstruct pagkatapos. Alam mo bang sa pelikula din umiikot ang buhay ko? Kahit papaano, nakakapagsulat din ako pero mas gusto mong mabasa yung mga sinusulat niya. Hinding-hindi ako magiging kasinggaling niya, sigurado.
Ano nga uli yung album na pinakinggan niyo habang nakahiga kayo sa madamong bahagi ng Sunken Garden bago bumagyo nung isang buwan? Hindi ba’t mas romantiko kapag nagpapatugtog siya ng cello habang nakikinig kang nakatingin sa langit, naghahangad na sana lagi kayong magkasama. Uy, pinapangarap ko ring makasama ka sa Sunken kaya lang busy ka palagi. Oo naman, alam ko namang uunahin mong gawin kung anuman ang gusto niya.
Hindi mo nga pala naikwento sa akin kung binigyan ka na niya ng surprise pero umabsent ka isang Lunes nung malaman mong naospital siya dahil sa sakit sa tiyan at nagulat siya paggising na puno na ng puting rosas ang kwarto niya. Minsan isang hatinggabi, sinundo mo siya sa isang inuman kung saan siya naglasing dahil namatay ang kanyang mini pincher dahil sa katandaan. Answerte naman niya. Lagi kang nandiyan para sa kanya. Sana ganyan ka rin sa akin pero mas pinili kong huwag nang sabihin sa ‘yo.
Pero ngayong sinabi ko na sa’yo, wag kang mag-alala dahan-dahan ko nang ilalayo ang sarili ko. Pero kahit noon pa, hindi ba’t andito lang ako, laging malayo sa’yo? O, wag ka nang malungkot. Ayokong nakikita kang ganyan. Anlayo ko pero tanaw kita habang tinititigan siya. Hay. Katulad din kita. Nagmamahal ng taong nagmamahal ng iba. Answerte niya, kahit ano gagawin mo para sa kanya kahit alam mong ang patutunguhan nun ay sa wala. Swerte mo nga, andito ako para pakinggan ka.
Sana kahit papano, lumingon ka rin sa akin habang nakatingin sa kanya. Katulad ng ginagawa ko sa’yo ngayon.
Confrontation
Ambata mo pa, nasa rurok ka na ng tagumpay. Mahal na mahal mo siguro ang ginagawa mo at pinagkakakitaan mo pa. Kapag nagsasalita ka sa harap ng napakaraming tao, sa isang pitik nakikinig sila sa ‘yo. Paano mo nagawang maging ganyan katalino? Sa lahat ng diskurso, pananaw mo ang nananalo. Kaya mong hilain ang mga hindi mo kapanalig. Ganyan kalakas ang karisma mo.
Nagsusulat ka rin pala. Nakakatuwa naman. Ilang love letters ba ang kaya mong sulatin sa isang araw? Hindi mo na kailangang bigyan pa sila ng mga tula, sapat na ang talinghaga ng mga ngiti mo at mapapasaiyo na sila. Sa tuwing tumutugtog ka ng cello, buong mundo natutulala. Sa susunod, lapatan mo ng musika ang mga tula mo. May paborito ka bang tinutugtog? Hindi sa tuwing nalulungkot ka dahil alam kong perpekto ang buhay mo at wala kang dahilan para hindi maging masaya.
Ilan nga pala ang alaga mong aso? Ambait mo naman. Kung sakaling gustuhin mong magkaroon ng anak, magiging mabuti kang ama. Napakabanayad mong mag-alaga, taos-puso. Mahilig ka magbigay ng surprise? Napakaromantiko. Sa simpleng pulang lobo, sa mga tsokolate, sa isang piraso ng pulang rosas, sa isang tuhog ng banana cue, sa isang pretzel o pan de coco, sa isang “I love you” note sa bill ng kuryente na ipinaskil mo sa pridyidir, binibigyan mo ng ligaya ang gising sa umaga.
Hindi nga nakapagtatakang ikaw ang pinili niyang mahalin. Oo, mahal na mahal ka niya. At hindi ko kayang punan at palitan ang malaking espasyo mo sa puso niya.
Magpapa-makeover ako
Hindi na ako magpapagupit. Ganun din yun, tutubo pagkatapos ng isang buwan. Papalitan din ang current hair fashion. Sayang ang effort. Wala ka rin namang ibang gawin sa parlor kundi mag-scan ng mga lumang magazines. Bakit pa ba kailangan mag-gym at magpalaki ng muscles? E di kumain na lang ng kumain, magpakataba, magpakababoy. Minsan lang tayo bata. Pagtanda natin, mag-aamoy lupa rin tayo, lalaylay na ang balat at hindi na kinakailangan ang muscles. Marami na ang sakit na maninirahan sa katawan natin at magsisisi tayong hindi natin kinain ang mga pagkaing dapat nating inenjoy nung tayo'y malusog pa.
Masyadong mahal ang mga bagong labas na fashionable clothes. Sa totoong buhay, hindi naman sinusuot ng totoong tao yung mga ibinabalandra sa runway, eh. At katulad ng lagi kong ginagawa, hahalughugin ko ang lahat ng mga ukay-ukayan sa Pilipinas. Kung anong uso, babaligtarin ko ang fashion statement ko. Tight-fitting clothes? Pwes, papakyawin ko ang lahat ng extra large shirts. Bright colors? Mag-iitim ako lagi. Pagluluksa sa kinahinatnan ng Pilipinas.
At ang finale. Magpapakahaggard ako ng fatale. Easy. Wag matulog ng isang linggo, instant eyebags galore. Walang reinforcement na pulbo o hilamos. Maligo na lang kapag kinakailangan. Sayang kasi ang tubig, kailangan ng mga susunod na henerasyon ng malinis na tubig. Gusto ko yung tipong hindi na ako makilala sa sobrang kapangitan. Besides, what is essential is not visible to the naked eye naman, di ba.
Dapat, ang laging mantra sa buhay: oiliness is next to goddessness.
Lagi na lang ganito
Hindi lahat ng dumadating, para sa'yo.
TYG Cebu invasion
Sinuman*
May kilala ka rin ba?
Gusto pa raw niya magbunjee jumping, libutin ang buong Pilipinas sakay ang hot air balloon, magswimming sa Bermuda Triangle, maging impluwensiya sa mga kabataang gustong maging tulad niya pagdating ng panahon, makapagsulat ng libro laman ang kanyang mga tula ng pag-ibig, mag-aral tumugtog ng piano, magkaanak, maging lolo sa kanyang isang dosenang apo, maranasan ang World War III, umabot sa 2012, ang katapusan ng mundo ayon sa mga Mayans.
Kaya nagpasya siyang maging vegetarian. Bumili siya ng maraming-maraming kilo ng gulay. Luntian, dilaw, madahon, maugat, masarap, mabalahibo, matinik. Tuwang-tuwa siya sa kanyang bagong sarili. Pakiramdam niya, iba ang liwanag na nagmumula sa kanyang katawan. Naging mas malakas siya, masigla, maliksi. Alam niyang malusog ang kayang pangangatawan, kayang-kaya na niyang abutin ang lahat ng kanyang mga pangarap. Suot ang isang imbisibol na kalasag laban sa lahat ng uri ng sakit, nilakad niya ang EDSA.
Hay, angganda ng EDSA, sabi niya. Marumi, maingay pero sinisimbolo nito ang pamumuhay ng makabagong masang Pilipino. Sa kanyang paglalakad, iniisip niya kung paano baguhin ang mundo, ang hikayatin ang lahat ng tao na maging vegetarian at healthy katulad niya. Napangiti siya sa kanyang makataong plano nang biglang may humaharurot na non-aircon bus, walang prenong sumagasa sa malusog niyang katawan. Nagkapira-piraso ito sa gitna ng mainit na kalsada ng EDSA, ang mga nginuyang letsugas at dahon ng malunggay na tumilapon mula sa kanyang sumabog na tiyan. Ang vegetarian, ni hindi naramdaman kung gaano kasarap ang kumain ng karne, ng taba na lumulutang sa sabaw ng sinigang, sa mantika nito na inihalo sa kaning lamig na nilagyan ng toyo. Ang vegetarian, hindi nastroke pero hindi nabuhay hanggang trenta anyos.
Miss
Namimiss ko na ang sarili ko.
Adik
At ngayong dumating ka na,
hindi kita sasalubungin.
Adik pala ako sa paghihintay.
Kaya pala
Nag-iedit ako ng pelikulang "Marino" ni Paul Sta. Ana. Ng "Astig", Cinemalaya entry ni GB Sampedro. Nagsusulat ng pang-nth na draft ng pangalawa kong pelikula, ang "Bodega". Nagpi-PM ng short film ni Gavsi Mae na "Where I'm Likely to Find It" aka "I know where it's at" for short. Andami palang nangyayari. Sana madagdagan pa. More kabusy-han at kahalamanan mode para masaya.
Kaharap ko ang isang matabang lalake. Maitim. Mukhang rocker. Mahaba ang buhok. Siyet. Angganda ng buhok niya. Straight, healthy at sumusunod sa galaw ng hangin. Sana, naging buhok na lang siya.
Katabi niya ang dalawang dalagitang napakaikli ng mga suot. Nakastripes ang isa. Nakaputi ang isa. Malalaki ang mga puson nila. Iniisip ko, sana nagpa-raspa na ang mga ito. Mukha kasi silang mga prosti. Makapal ang make-up, text ng text yung isa. Bumaba sila sa may Quezon City Hall. Tapos na siguro ang kanilang duty.
Sa likod ng passenger seat, may dalawang binatilyong mukhang Aeta. Mga taga-Balara yata. Tawanan sila ng tawanan. Baka galing sa concert ng isang emo band. Pero hindi sila nakaitim. Katabi ko, dalawang babae. Mga factory workers ata. Hindi ko na naaninag ang mga mukha nila. Hindi kasi nila inabot ang bente pesos na bayad ko. Hindi pa ako nasusuklian pala.
Mahapdi ang mga mata ko. Inantok yata ako sa isang litrong RC na ininom ko bago ako pumunta sa studio ni GB. Syet. Gustung-gusto ko na talagang magpagupit ng Beatles-look. Bangs kung bangs. Lampaso kung lampaso. Gusto ko yun. Habang straight pa ang buhok ko.
Biglang sumigaw ang isang ale. Nagulat ang lalakeng may magandang buhok. Mukhang cashier sa isang tindahan sa tondo ang ale. Siguro, makapal ang make-up niya nung umagang yun dahil ang nakita ko na lang sa kanya ay isang linya ng pulang blush on, siguro, lipstick niyang ipinahid sa kanyang mukha. Bitbit niya ang itim niyang bag at ang kanyang pulang panyo. Sumigaw siya, nagdadada. Hindi ko siya maintindihan.
"Ambaho! Putang ina, ambaho talaga!" sabi niya, galit na galit.
Inilabas niya ang kanyang cologne, inispray sa kanyang tenga at paulit-ulit niyang sinasabi "ambaho! ambaho!" Andami niyang sinabi. Sabay pa kami ng lalakeng may maganda ang buho na napakunot ang noo. Hindi ko na tiningnan ang ale, tinanaw ko na lang ang kadiliman ng UP.
Hindi na siya tumigil sa kadadakdak. Bumaba siya sa may Balara. Hindi pala taga-roon ang mga binatilyong mukhang mga Aeta.
"Sino ang dumura sa inyo?" tanong ng kunduktor sa dalawang binatilyo.
"Hindi kami", sagot ng dalawa. Nahihiyang ngumiti.
"Akala mo kung sinong maganda!" sabi ng dalawang babaeng katabi ko na mukhang mga factory workers.
Malapit na akong bumaba. Bahala kayo diyan, sabi ko sa sarili ko. Mahapdi na ang mga mata ko. Naglalakad ang ale, pahid ng pahid sa kanyang tenga habang galit na galit sa papalayong jeep.
May isang misteryosong mamuo-muong dura pala ang nilipad ng hangin na sumapol sa kanyang mapulang pisngi.
Mas magaan pala ang dura kaysa sa buhok na straight.
Si Estellang Peklat
Paborito niya ang lugar na iyon. Hindi dahil sa magandang tanawing nakikita niya mula sa burol kundi dahil sa mga halamang makahiya na namumukadkad at nakangiti sa kanya kapag siya’y bumibisita doon. Alas-kwatro ng hapon araw-araw, inaakyat niya ang matarik na burol upang kantahan ang mga makahiya. Sila’y isa-isa niyang hinihimas ng kanyang hintuturo at sila’y napapayuko, tikom ang mga ngiti. At napapasaya siya ng mga ito.
May malaking peklat si Estella sa kanyang mukha, isang alaala ng kanyang kainosentehan noong sampung taon pa lang siya. Panandaliang nakatago ang araw sa ulap noon at binigyan ng pagkatataon ang ulan na maghari sa lupa. Naramdaman niya ang pag-iisa kahit ilang hakbang lang mula sa banyo kung nasaan siya, nagtatawanan ang kanyang pamilya habang nanonood ng sampalan sa isang telenobela. Naisipan niyang lagyan ng marka ang kanyang mukha sa pamamagitan ng paghiwa nito at pag-ukit ng kanyang paboritong letra sa alpabeto, ang M. Maganda, mapang-akit, mabango, mala-diyosa, maharot, malikhain, matamis, marikit. Lahat ng M na hindi niya taglay. Muntik mang maubos ang kanyang dugo, gandang-ganda siya sa sarili habang tinitingnan ito sa salamin.
Pagkalipas ng iilang taon hanggang ngayon na siya’y nagdalaga, kahit hindi man niya pinagsisihan ang M na bumabalot sa buo niyang mukha, hindi siya nakaligtas sa mga mapanlait na kutya at pag-iwas ng mga binatang kanyang nagugustuhan. Lihim siyang pinagtatawanan ng mga dalaginding sa eskwelahan at ginagawang panakot sa mga batang makukulit. Andyan na si Estellang Peklat, ipapakain kita sa kanya, sabi ng naiiritang nanay sa umiiyak na bata.
Napagtanto ni Estella na pangit nga siya. Hindi siya nagkaroon ng kaibigan, yumuyuko kapag napapadaan sa grupo ng mga dalaginding na naglalandi sa kanto. Kumakaripas siya ng takbo habang papalapit sa nag-iinumang mga lalake sa harap ng tindahan ng uling. Hindi siya lumilingon kapag tinatatawag ng mga binatilyong naglalaro ng basketbol sa harap ng kapilya. Ang kanyang maliit na kwarto at ang burol ang kanyang naging banal na espasyo at nahanap niya ang kaligayahan sa pag-iisa.
Nakahiga siya sa ibabaw ng mga nakatuping mga halamang makahiya isang hapon nang may isang gwapong lalake ang bumaba sa kanyang magara at pulang limousine na napadaan sa tuktok ng burol. Malayo pa lang ang lalake, amoy na ni Estella ang kakaibang halimuyak nito. Nang-aakit. Hindi siya mapakali.
Siguradong mababakla si Adonis kapag nakita niya ang lalakeng ito, sabi ni Estella sa sarili nang una niyang makita si Ivo. At bigla, isang hindi maipaliwanag na damdamin ang bumugso mula sa kanyang katawan, isang pakiramdam na alam niyang matagal nang nakahimlay sa kanyang kalooban at ito na nga ang oras ng pagpupukaw nito.
“Saan ang Starbucks dito?” tanong ni Ivo.
“Walang ganyan dito. Hindi kasi kami umiinom ng kape kapag hindi ito tae ng pusa”.
Nangisay si Ivo. Noon lamang siya nakarinig ng boses ng isang babaeng ang mga salitang kumakawala sa bibig nito ay tila liriko ng mga kantang inaawit ng mga ibon sa umaga. Ibang-iba sa mga babaeng fashionista na nakilala niya sa mga bars na pinaglalasingan niya. Sa mga puti, negra at latinang may accent sa kanyang mga paglalakbay. Sa mga artist sa museo, sa mga sirena sa karagatan at sa mga babaeng astronaut sa kalawakan. Nilapitan niya ang babaeng may peklat na labis na ikinakilig nito.
Hindi pala imposible na mangyari ang ganito, sabi ng mga kahoy na nakasaksi sa kakaibang liwanag sa mukha ng dalawang estranghero. Naramdaman nilang ito na ang simula ng isang pag-ibig na walang hanggan at hindi maikakailang iyon din ang naramdaman nina Estella at Ivo. Buong sarili ang ibinuka ni Estella at naghahanda siya para tanggapin ang lalakeng papalapit sa kanya. Si Ivo ay dahan-dahang naglalakad, sinasamsam ang bawat hakbang.
Bigla, tumigil ang mundo para sa kanilang dalawa. Nasa kalagitnaan ng paglipad sa himpapawid ang mga kuwago, napa-“haaaay” ang mga bumubukang makahiya, hinila ng hangin ang mga talahib upang sumayaw ng rumba. Lahat. Silang lahat napatigil sa kakaibang pagkikita ng babaeng may peklat at ang lalakeng kababaklaan ni Adonis.Bago pa makarating si Ivo sa nakahigang si Estella, walang babalang sumabog ang lupang tinapakan ng binatang walang kasinhalimuyak. Sumabog siyang walang pakundangan, nililipad ng hangin ang mga pira-pirasong bahagi ng kanyang katawan. Walang sinuman ang nag-akalang ito ang magiging kahihinatnan ng lalakeng magpapaligaya sana sa babaeng may peklat. Natigilan ang lahat. Napatulala si Estella.
Hindi pala para sa kanya ang pag-ibig na walang hanggan.
Battered love
Parang painting lang. Isang masining na painting na hindi kayang hagupitin ng brush, canvass at maitim na enamel. Iwinagayway ng nag-iisang linya ng ilaw mula sa araw ang malalalim na sugat sa iyong mukha at katawan dulot ng tadtad ng bolo na ginamit ko sa pagsaksak sa'yo. Mas gwapo ka pala kapag naghihingalo. Tinititigan mo lang ang nanghihina kong kamay na pilit abutin ang iyong putol na paa, tanda ng iyong pasasalamat sa kokonting masayang pagkakataon nung tayo pa.
Ikaw naman kasi. Sana hindi mo ako ginalit. Sana hindi ka nagselos. Siguro, hindi na tayo umabot sa ganito. Kahit anong habol ko sa aking nauupos na hininga, hindi ko maramdaman ang sakit ng iyong mga suntok at tadyak sa aking tiyan at mukha. Ngayon ko lang napansin na kinalbo mo pala ako kagabi habang nakatulog sa loob ng batya kung saan ramdam ko ang sarap ng maligamgam na tubig. Nakatingin ako sa'yo, walang paghihinayang. Ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko para ibigay sa'yo ang ngiting nagustuhan mo sa akin nung una tayong magkita sa sementeryo. Naaalala mo pa ba 'yun? Sana oo.
Hindi ko matandaan kung sinukliam mo ang munti kong ngiti. Ganito naman tayo lagi. Walang sali-salita. Walang hingian ng tawad. Pakiramdaman lang. Alam ko, ganito tayo magmahalan. At hindi tayo magpapahinga at mapapagod sa ganito.
Nabuhay ako!
"Pumayat ka", sabi niya na nakangiting-aso.
"Recession kasi. Nauna ka nang kumain, matagal na akong hindi nakakain ng ganito". May ebola virus kasi at laging lanta ang dahon ng gulay. Masangsang ang amoy ng isda. Mahal na rin ang bigas, ibinibiyahe pa kasi mula Vietnam at Thailand.
"Buti na lang malamig kapag gabi".
"Hindi muna ako iinom ng beer, nalasing kasi ako nung Disyembre. Gumapang ako pauwi ng bahay", sabi ko sabay order ng isang beer. Dumating ito na hindi malamig, naglagay ako ng limang dakot ng yelo na mabilis natunaw.
Nagtaka ako pero hindi ko na kinuwestiyon. Blangko ang aking mukha.
"Do I make sense?"
"Hindi".
Salamat!
Generally, maganda naman ang reception ng mga tao. Natawa naman sila at humagalpak sa mga hirit ng mga “TYGs” sa loob at taas ng jeep, lalo na sa stage. Although, may isang komento ang isang acquaintance na hindi ko mapapalagpas. Minessage niya ako sa g4m, sabi niya, nagwalkout raw siya after niya mapanood ang first five minutes ng film. Never daw niya naenjoy ang film kasi Tagalog daw ang subtitles. Sana Tagalog na lang daw ang language na ginamit ko kasi yun naman daw ang national language natin. Ah, ok. Sinagot ko siya ng “salamat sa pagwalkout”. (Me smiley sa dulo). Gusto kong sabihin sa kanyang “sana naman alam mo ang mga pinagsasabi mo di ba?” Ano pa ang point na ifeature ko ang buhay ng mga bakla sa probinsiya at kultura nila kung Tagalog ang ginamit ko. E di, sa Manila na lang sana ako nagshoot.
Actually, napaka-kultural ng humor ng TYG at colloquial ang treatment niya. Na kung hindi ka Bisaya, may mga linyang hindi mo magi-gets dahil hindi ito kayang itranslate sa Tagalog. Eh, lalo naman kung i-English pa. Ano ang pinakamalapit na English translation ng "char"? Ng "yotch"? Ng "maya"? Ng "hugyaw ang show"? Ng "chapter"? At ng iba pang mga lingo na ginamit dun sa pelikula. Kahit ang swardspeak sa Cebu ay ibang-iba sa paraang ginagamit ng mga bakla sa Davao. Kung alam lang niya na nagkahemmorhage ako habang sinasubtitle ko ng English ang TYG no!
At the very least, sa kultura at paraan ng pamumuhay, magkaibang-magkaiba talaga ang mga bakla dun kesa sa mga taga-Manila. For instance, sa Davao, nakalakihan ko ang pananaw na ang bakla, nagdadamit-babae o di kaya iniisip nila na sila ay “a woman trapped in a man’s body”. Ang sexual cruising ng mga bakla dun ay hindi nangyayari sa mga sauna, bars or gym kundi sa mga parlor, sa beauty pageants, sa sementeryo kapag Undas o di kaya sa harap ng saradong sari-sari store. Kadalasan, pinapanimon nila ng Red Horse (dahil malakas ang tama) ang mga lalakeng prospect at nagsisimula ang negotation kapag senglot na ang mga ito.
Lately, napansin ko, hindi na ganun karami ang mga gumagawa ng ganito kasi unti-unti nang ginagaya ng mga bakla sa Davao ang kultura ng mga taga-Manila kung saan ang hooking-up ay nangyayari na sa bars, sauna at gym at ang mga dating nagdadamit-babae ay natuto na ring i-imbibe ang pagiging straight-acting. Ito ang tinatawag ng mga bakla dun na “maya” o ang equivalent na “pamhinta” dito sa Manila. Hindi na straight men ang tinatarget ng mga bakla dun kundi kapwa bakla na rin. Dahil dito, nung ginagawa ko ang research para sa script ng TYG, naghihingalo na ang existece ng gay beauty pageants sa siyudad kasi nga nagiging “maya” na ang mga crossdressers dun at yung mga kontesera ay sa mga probinsya na sumasali, di tulad dati na bawat baranggay fiesta, merong MG.
O ayan, sayo ---- na nagwalkout, inexplain ko na ng buong kaluluwa kung bakit Tagalog ang subtitles ha. Kaya sa susunod na screnings, panoorin mo na ng buo. Teka, kung nagwalkout ka sa first five minutes, pano mo nalamang nonlinear narrative ang ginamit ko sa TYG? Kaw ha...
Mga tips sa panonood ng TYG
Maghakot ng friends, family, lovers, exes, sexmates, ka-it's complicated at kung anu-anong kategorya ng relationship status. Mas maraming manood kasama mo, mas masaya.
Hangga't maaari, panoorin ang pelikula sa simula hanggang matapos ang pagrolyo ng credits. Mas masaya ito kesa sa panoorin mo mula sa gitnang parte.
I-LSS ang "churchur mega mega chur chur" bago, during at pagkatapos panoorin ang TYG. Sayawin ang steps nito (makikita sa pelikula) kasama ng mga nahakot (refer to number 1). Huwag rin kalimutang i-LSS ang iba pang mga kanta sa soundtrack.
Kung ikaw ay may ambisyong maging beauty queen o isang frustrated beauty queen at ayaw mong ma-thank you girl, imemorize ang mga quotable quotes lalo na sa question and answer portion.
Mamili ng paboritong karakter sa pelikula at irelate ito sa sarili.
Huwag mahiyang tumawa ng balahura. Huwag pigilan ang sarili na mag-enjoy.
Magbasa ng mabilis dahil Tagalog ang subtitle.
Pumili ng isang linya o expression sa pelikula at ipauso ito sa pamamagitan ng pagsasalita nito sa totoong buhay.
Ang pelikulang ito ay hindi lang para sa mga bakla kundi para sa lahat ng sangkatauhan. It transcends beyond gender. Char!
Alalahaning ang pelikulang ito ay ginawa hindi para pagtawanan ang mga bakla kundi para mas i-empower pa ang mga ito.
Kung nagustuhan mo ang pelikula, humayo ka't ipagkalat at ipromote ito sa kakayahang kaya mo. Sa text, sa blog, sa websites, sa egroups, sa tv, sa newspaper. Kung hindi mo naman ito nagustuhan, ipagkalat mo pa rin.
Hear the music first!
So bukas, bago pa ang showing sa January 21, iniimbitahan ko ang lahat na panoorin ang ilan sa mga banda na ang mga kanta ay naging parte ng OST ng The Thank You Girls. Go kayo ha!
People are raving about TYG! Char.
- Jinggoy Salvador, SunStar Davao
“Watch it because of its original style, freshness, no-stereotype content and real catch of real scenes. It is a good film by story, but blockbuster by style. So, watch it!”
- http://pykmps.multiply.com
“A movie you must, must, must watch. It’s fun, funny, and light-hearted with some moments na nagmo-moment. The movie is full of LOL moments, especially the “question and answer portion” of the pageant. It’s not just for the badets, it’s for everybody.”
http://riajose.wordpress.com/
“I love it so much that I can define darkness now. I just love the film so much that I would want everyone in the world to watch it.”
- http://baklaako.com
“Never laughed so hard at a movie in a long time. The great part of this film was how natural the dialogue was. The witty exchanges felt right at home as if we’ve worn red satin gowns everyday of our lives. Totally laugh-out-loud moments for us and the audience. Loved each of the characters and their plight in life and in love. The actors’ performances were right. Great editing. The pace and energy of the film were infectious. The soundtrack was also very chika bibo.”
- http://paderewski.wordpress.com/
Despite the absence--but not completely--of revolting display of flesh and over dramatic and tired bleak and violence, this one will be taken seriously for its hilarity. From the opening scene, the director succeeded in making his audience forget that the world outside is drowning in its own tragedy. Watch na keyo! Go as in G-O-W!!!
- http://bananachoked.blogspot.com/
“Hilarious and out of this world… The movie offers a chockful of insights on a gay person’s life. It is a light material for some but to those who are struggling to show their “true” colors, this is a must see.”
- http://dramaqueen.davaobloggers.com
“Maganda ang topic at hindi siya seasonal: mga gay beaucon joiners na ang tawag pala sa kanila e "thank you girls" kasi lagi silang natatalo o hindi nakakaabot ng first place. Premise pa lang, panalo na! The acting was good, the lines are witty and funny, lalo na yung nagpapraktis sila ng mga QnA portion while traveling.”
- http://leaflens.multiply.com
“Magaling, magaling, magaling! Ilang beses akong napahagalpak! Kakatawa siya ha! Nakakaaliw ang mga lines. Bentang-benta! At halatang pinag-isipan! Clap, clap, clap!”
- http://princhechafiona.blogspot.com
“Of all the indie films I have watched, I should say that was among my favorites. The music is so good and purely Dabawenyo… I first thought they were songs from Manila or of a foreign band.”
- http://lurins.twistedrumbeats.com
“Funny and interesting. What made it nice is how the movie defined each "beauconera's" desire to be a queen because of the sense of self-achievement next to money. It shows how a backstage looks like during such pageants that most people are not aware of.”
- http://galavantiator.vox.com/
“Beyond its comedy is honesty and seriousness. Would I recommend it to you? Of course yes!”
- http://melbeckham.blogspot.com
Year of reaping
Biggest blessing ko ang pagkakaroon ko ng break to do my first full length film. Kaya sobrang maraming salamat kay Jim for that. Anlaki ng utang na loob ko sa kanya pati na rin sa mga taong tumulong ng walang pagdadalawang-isip para mairaos ko sia. I did TYG kasi marami akong gustong patunayan sa mga pipol who made my life quite not so good in 2007 at sa tingin ko, naitulay ko ang mensaheng gusto kong sabihin sa kanila. Naprove ko na ang point ko at masaya na ako dun.
Pero hindi pa tapos ang mga bagay-bagay dahil marami pang iikutan ang TYG kaya nung 2008, medyo nagtanim lang ako at namuhunan. Sa 2009, alam kong pipitasin ko na ang mga bunga ng mga pagod at sakripisyo naming mga bumubuo sa pelikula. Ang tanging purpose na tapusin ang pelikula para lang iprove ang aking sarili ay nag-expand na sa mas malawak na mga bagay-bagay katulad ng paniniguradong marami ang makakapanood nito, dito sa Pinas at sa labas ng bansa. Kaya maganda ang magiging bungad ng taon dahil sa wakas, maipapalabas na rin kami sa Indiesine (January 21). And TYG’s good fate is just starting, nararamdaman ko.
This year, first time ko rin maexperience ang kakaibang high at naramdaman ko kung paano maging star. Char. Ito yung blessing na never ko inambisyon at inexpect. January pa lang, nalaman ko nang nominated ako sa Asian Film Awards. Hindi pa nagsisink-in sa akin kung gaano kabigat yun, hanggang ngayon. Andun ang mga stars ng Asya at big deal siya sa Hongkong. Naramdaman kong maging celebrity dahil angganda ng treatment nila sa amin, sobrang first class accommodation, libre pamasahe, sarap ng mga pagkain at pinaramdam sakin, importanteng tao pala ako, har. Ang point ko lang pala, ansarap ng makapunta sa ibang bansa ng libre.
Pangarap ko ang magka-URIAN dati. At nung nanominate ako, aba, grabeng sobrang heaven. Di man ako nanalo, feeling winner na rin. Never sa buhay ko rin inisip na magkaroon ako ng pagkakataon na magtrabaho sa GMA News and Public Affairs pero ansaya ko dahil nakapagdirect ako ng isang episode ng Case Unclosed. Wow. May isang tv episode na ako. Dati, lalabas lang ako na mainterview sa isang dokyu, masaya na ako. Ito, ginawa ko pa. Ayun tuloy, medyo nabuhay na naman ang pangarap kong bumili ng sarili kong tv station at ang pangarap kong maimpluwensiyahan at baguhin ang tv viewing habit ng mga Pinoy.
I grew up thinking na hindi ako marunong magsulat. Nung binigyan ako ng opportunity to write Daybreak, nag-alangan ako kasi matagal ko nang iginive up ang katotohanang bopol akong magsulat. Pero nagawa ko siya. Nagawa ko at natuwa ako sa resulta. Kaya ko rin pala. Sana this year, maging legitimate writer na ako. Feeling jetsetter din ako kasi pabalik-balik ako ng lipad sa Davao. Kadalasan, umuuwi lang ako once a year pero this year, ginawa ko lang siyang Cubao and I got to stay ng matagal-tagal kaya tuwang-tuwa ang nanay ko. At ang matagal ko nang pangarap na mailagay ang picture ko sa newspaper ay natupad na. Philippine Daily Inquirer at Mindanao Times at that. Sosyal. And last year din, nagkaroon nako finally ng matagal na matagal ko ng pangarap na macbook pro, si Briccio (derivative: Daybreak.. Break.. Briccio). Ansaya!
I gained friends last year. Ang mga taong hindi ko close dati, close ko na ngayon. Ang mga personalities na nababasa ko lang sa newspaper dati, close ko na rin. May mga taong hindi ko pa nakikita na naging friends ko rin. At last year, naramdaman kong tumaba ako. Ng sobra. Lalo na during the last quarter nung nagtagal ako sa Davao at kain lang ako ng kain. Hay, ansaya ng buhay.
Sana magpatuloy pa ang ganitong moda this year and I’m looking forward to doing more films, gain more friends and travel more. Soon. Nararamdaman kong it is a better and more fun year. Go Ox!
Unjust censorship
I was a bit surprised when MTRCB gave TYG an R-13 rating last year. I was actually hoping for PG-13. Wala akong nakikitang ka-R-R sa TYG. Hindi na rin ako pumalag. At least, hindi R-18. Mas lalong
A few weeks ago, nakakuha ng double X-rating ang “
Minsan naman kasi, double standard ang Board. Kapag Hollywood film, kahit gaano kalupit sa violence at profane language at super erotic love scenes, hindi nila ini-X. Ang pinakamataas na nilang binibigay dito, R-18. Hindi ko na ikikiwestiyon ang RATIONALE ng mga bagay-bagay dahil subjective ang depinisyon ng “violence” at “pornography” at kahit batas natin, hindi ganun ka-absolute ang mga pagtatakdang kahulugan sa mga salitang ito. Ayoko rin ikwestiyon ang pagtatalaga sa isang grupo ng mga tao bilang “guardians of morality” dahil talagang nakakatawa ang titulong yun at tulad ng terms na “violence” at “pornography”, hindi absolute ang pagiging “guardian of morality”.
Anyway, andito ang trailer ng “Aurora”. Sa January 19 sa UP Cine Adarna, magkakaroon ng special screening ng pelikula at kayong mga manonood na ang bahalang humusga kung ito nga ay karapat-dapat sa double-X rating na ipinataw dito. Kitakits!
TYG showing na!! FINALLY.
Anyway, eto na. Finally. At finally, ipapalabas na ang "THE 'THANK YOU' GIRLS"! Andyan sa gilid ang trailer o di kaya, pumunta sa website http://thethankyougirls.com.
Robinsons Indiesine, January 21-27, 2009. Hay. Hatak naman kayo para me manood ng pelikula. Ayos? Char.
0 shouts:
Post a Comment