Navigation Menu

Featured Post

May kilala ka rin ba?

Meron akong kilala, hindi siya kumakain ng karne. Hindi raw kasi healthy. “Ayokong tumaba katulad ng iba”, sabi niya. “May kaibigan ako, mahilig sa taba ng karne: sa sinigang, sa nilaga, sa kaldereta, sa afritada, sa pasta. Trenta anyos pa lang siya, nastroke, namatay. Ayokong magkaganon.”

Gusto pa raw niya magbunjee jumping, libutin ang buong Pilipinas sakay ang hot air balloon, magswimming sa Bermuda Triangle, maging impluwensiya sa mga kabataang gustong maging tulad niya pagdating ng panahon, makapagsulat ng libro laman ang kanyang mga tula ng pag-ibig, mag-aral tumugtog ng piano, magkaanak, maging lolo sa kanyang isang dosenang apo, maranasan ang World War III, umabot sa 2012, ang katapusan ng mundo ayon sa mga Mayans.

Kaya nagpasya siyang maging vegetarian. Bumili siya ng maraming-maraming kilo ng gulay. Luntian, dilaw, madahon, maugat, masarap, mabalahibo, matinik. Tuwang-tuwa siya sa kanyang bagong sarili. Pakiramdam niya, iba ang liwanag na nagmumula sa kanyang katawan. Naging mas malakas siya, masigla, maliksi. Alam niyang malusog ang kayang pangangatawan, kayang-kaya na niyang abutin ang lahat ng kanyang mga pangarap. Suot ang isang imbisibol na kalasag laban sa lahat ng uri ng sakit, nilakad niya ang EDSA.

Hay, angganda ng EDSA, sabi niya. Marumi, maingay pero sinisimbolo nito ang pamumuhay ng makabagong masang Pilipino. Sa kanyang paglalakad, iniisip niya kung paano baguhin ang mundo, ang hikayatin ang lahat ng tao na maging vegetarian at healthy katulad niya. Napangiti siya sa kanyang makataong plano nang biglang may humaharurot na non-aircon bus, walang prenong sumagasa sa malusog niyang katawan. Nagkapira-piraso ito sa gitna ng mainit na kalsada ng EDSA, ang mga nginuyang letsugas at dahon ng malunggay na tumilapon mula sa kanyang sumabog na tiyan. Ang vegetarian, ni hindi naramdaman kung gaano kasarap ang kumain ng karne, ng taba na lumulutang sa sabaw ng sinigang, sa mantika nito na inihalo sa kaning lamig na nilagyan ng toyo. Ang vegetarian, hindi nastroke pero hindi nabuhay hanggang trenta anyos.

3 shouts:

Miss

Hindi ako makapagsulat. Walang panahon.
Namimiss ko na ang sarili ko.

0 shouts:

Adik

Naghintay ako ng sobrang tagal pero hindi ka dumating.
At ngayong dumating ka na,
hindi kita sasalubungin.

Adik pala ako sa paghihintay.

3 shouts: