Navigation Menu

Featured Post

Both of us,

we were the cliche.
Were.

0 shouts:

Carlo

Someday, when rainbows aren't rainbows anymore
I'll etch your name across the sky
And all colors shall caress your loving hand
All things shine but only this metaphor can load our infinite love.

0 shouts:

Dear Bully

Ang akala ko dati, sadyang duwag lang talaga ako dahil ako ang lagi mong inaasar at paiyakin sa harap ng mga kaklase natin. Elementary pa tayo noon at hindi ko naiintindihan ang mga salitang “patience”, “oppression” at “psychotic”. Kaya inisip ko na lang na espesyal ako para sayo dahil buhay ko ang napili mong pahirapan.

Kahit ampayat mo at mukhang sakitin, walang mintis ang mga maliliit na batong tinitirador mo sa batok at ulo ko habang itinuturo ni Ma’am Coral sa atin ang phyllum at kingdom ng mga bulate at amoeba. Naiinis ako kasi hindi ako makaganti kahit gusto ko. Ang mga bukol sa ulo siguro ang naging dahilan kung bakit antalas ng memorya ko at kaya kong imemorize at irecite ang isang buong dictionary sa loob ng isang oras.

Wala akong naisip na dahilan kung bakit mo nilublob ang mukha ko sa inodoro bago ang karate class natin. Ang natatandaan ko lang, humingi ako ng isang pirasong Chippy sa crush mong si Lizette nung recess. Binantaan mo pa nga akong lunurin sa drum ng nakaimbak na tubig ulan habang pinagtatawanan ako ng mga kabarkada mo. Pinagpupunit mo ang uniform ko nun habang ipinakita sa ibang kaeskwela ang hubad kong katawan at ang hindi pa tuli kong ari. Iyon kaya ang dahilan kung bakit naging narcissist ako?

Recognition Day noon, malaki ang panlulumo ko dahil hindi nakarating sina Mama at Papa para ikabit ang medal ko bilang first honor. Pinagtripan mong itali ng mahigpit ang medal sa leeg ko at hila-hila gamit ang alambre, buong pagmamalaki mong ipinagsigawan sa buong eskwela na ako na ang papalit sa kamamatay mong alagang tuta. Gusto kong manlaban pero alam kong kapag ginawa ko yun, mas lalo kang gaganahan sa pang-aasar sa akin. Iyon kaya ang naging dahilan kung bakit nawalan ako ng pakiramdam at simpatiya para sa iba?

High school nang nagpagpasyahan ng mga magulang ko na ilipat ako sa ibang paaralan. Hindi ko maintindihan pero namiss kita at ang mga katarantaduhang ginawa mo sa akin. Naghanap ako ng ibang batang katulad mo pero lahat sila minahal ako. Wala kang naging katulad, aaminin ko. Ilang taon na rin ang lumipas at ang huling dinig ko, nagpakamatay ka raw kasi hindi mo kinaya ang buhay na wala ako sa piling mo. Totoo ngang matagal mamatay ang masasamang damo na kahit sumabog pa ang bungo mo, nagsurvive ka pa rin. Naisip kong bisitahin ka nun sa hospital kaya lang mas masaya palang mabuhay na wala ka.

Nasaan ka na ba ngayon? Sana nakahanap ka na ng ibang mapahirapan na kaya kang tiisin at pakisamahan. Sana naging kayo ni Lizette. Sana lumago ang negosyo mong pagbebenta ng tirador. Sana nagtagumpay ka sa pagiging boldstar. Sana isinauli mo ang medal ko. Sana nakarma ka at habambuhay mong titiisin ang kirot ng nabiyak mong bungo. Sana matuwa ka na hanggang ngayon, iniiisip pa rin kita at itinuturing na malaking bahagi ng kung ano man ako ngayon.

Paano ba naman. Hinding-hindi talaga kita makakalimutan dahil sa tuwing nagsusulat ako gamit ang paa ko, naaalala ko ang mga kamay kong nilagay mo sa umiikot na electric fan habang nag-i-spirit of the glass tayo.

0 shouts:

Ikaw, Siya at ang espasyo sa mga mata


“Hindi ‘ata matamis ang cotton candy nila”, inabot mo sa kanya ang sukli sa bente.

“Nilibre ka na nga, angal ka pa.” Nakangiti siya. Ngayon ka lang niya nilibre simula nung magkakilala kayo.

May hanging dumaan. Lagi na lang kayong nauubusan ng sasabihin, hindi man lang nag-uusap ang mga mata niyo. Iniiwasan ninyong magkatinginan, siguradong magkaiba kayo ng dahilan.

“Inom tayo”, hindi ka nakangiti.

Kadalasan, siya ang na-eexcite sa ganitong imbitasyon pero may kakaiba sa galaw ng kanyang mga daliri. “Tumataba na ako.”

Alam mong nagdadahilan lang siya. Matagal-tagal din kayong hindi nagkita. Dumaan ang kariton na nagbebenta ng mga walis, salamin at basket.

“Balang araw, magiging photographer din ako”, sabi mo.

“Ikwento mo naman sa akin kung paano mo siya nakilala.”

“Random lang. Sa kung saan-saan.”

Hindi na siya nagtanong pa. May kakaiba sa galaw ng kanyang mga mata. [Pakiramdam niya balewala sa’yo ang kanyang absence]. Laging may dalang drama sa buhay ang pink na cotton candy.

2 shouts:

Tips from a loser

Siguradong maligaya ka sa nakamit mong tagumpay ngayon. Sa wakas, natapos mo rin ang kolehiyo makalipas ang mga taong iginugol mo sa paglilipat ng kurso at eskwelahan. Ilang linggo o buwan mula ngayon, haharapin mo na ang pakikibaka para sa iyong espasyo sa totoong mundo. 

Huwag kang matakot. Naramdaman ko din ang agam-agam mo noong nag-uumpisa pa lang akong hanapin ang kapalaran ko. Nangamba ako noon hindi dahil kulang ako sa armas para harapin ang mga pagsubok kundi iba ang digmaan na gusto kong puntahan. Sabi ko sa’yo di ba, mas gusto kong magtayo ng banda kaya mag-Nursing. Alam ko ang hirap na pinagdaanan ni Nanay noon para maituwid lang ang pag-aaral ko kaya hindi na ako nangahas na lumipat sa ibang kurso. Swerte mo nga ngayon, dalawa na kaming tumustos sa mga pangangailangan mo.

Sa bagong mundong papasukan mo, marami kang makikilalang uri ng pagkatao. Karamihan sa kanila, hindi magiging masaya sa tagumpay mo, sa mga magagandang nagawa mo, sa maayos mong pakikitungo. Sila kadalasan ang magiging balakid upang maibigay mo sa sarili ang tiwala na dapat dala-dala mo sa bawat araw. Pilit ka nilang hatakin paibaba at bigyan mo ang sarili ng sapat na lakas para huwag magpahila. Sundin mo ang utak mo. Biguin mo sila, huwag kang padadala.

Huwag mo akong tularan. Puso lang ang sinunod ko. Naging emosyonal ako, naging mahina dahil mas ginusto kong maabot ang mga pangarap na pansarili. Napakaraming pagkakataong nakalimutan ko ang paghihirap ni Nanay at ang obligasyon na maitaguyod kayong aking pamilya. Kaya’t kahit hindi ako magkakapera, nagtayo ako ng banda. Naging masaya ba ako? Oo. Napakasaya. Ginawa ko ang lahat ng nakangiti, magaan ang loob, nag-aalab sa self-fulfillment. Sa gitna ng aking kahirapan at paghihikahos, nagkasya na ako sa isang bote ng beer bilang kabayaran para sa bawat tugtog ko. Naglakad ako pauwi, umutang ng pananghalian, ni hindi ako makabili ng bagong damit o sapatos. 

Nakikita mo naman kung nasaan na ako ngayon, hindi ba? Heto, tumatanda. Pakalat-kalat. Habang karamihan ng mga kaklase ko ay nakahiga na sa pera. Iyon ay dahil naging madiskarte sila sa buhay. Naging masikap sila. Naging praktikal. Kaya gawin mong aral ang buhay ko upang magsikap kang umangat sa buhay. Ibigay mo kay Nanay ang ginhawang inasahan niya mula sa akin na hindi ko natupad. Huwag mo akong tularan. Isa akong kabiguan. Dadating ang panahong bubuo ka ng sarili mong pamilya at siguraduhin mong maipagmamalaki ka nila. 

Masasabi ko bang nagsisisi ako? Hindi. Hinding-hindi, kapatid ko. Isa man akong pangit na ehemplo, narito ako para laging nakagabay sa’yo. Pasensiya na’t nagdadrama ako. Alam mo namang ganito lang ako kapag naikukumpara ko ang sarili sa mga yumaman nang kakiklala. Masaya naman akong maging bigo. Kaya ngayon, sa iyong pagtatapos ng kolehiyo, ihanda mo na ang sarili sa mas masalimuot na buhay sa totoong mundo. Sana nakinig ka sa mga munting payo na itinuro ko. Punuin mo ang baso ko ng beer. Isang kampay pa!

1 shouts:

Good riddance

Malawak pa ang patag na lalakbayin
Ang takot mo'ng ako lang ang nakakaalam
Gustuhin ko mang kamay ko ang iyong hawakan
Nakaantabay siya, nakangiti, nag-aabang.


Pipilitin kong ngumiti sa paghatid sa'yo...


Kasabay niya.

0 shouts:

Balik-kayod

Napaaga ang uwi ko sa Davao nung December dahil tinake-advantage ko ang promo ng PAL kaya 16 pa lang, bakasyon grande na ako. Buti na lang din kasi kumpleto uli kaming magkakapatid sa bahay sa pag-uwi ni Jimboy, yung kapatid kong nagtatrabaho sa Riyadh. Bumonding kami, naligo sa dagat, binisita ang puntod ng yumaong ama, pinuntahan ang mga kamag-anak na matagal nang di nakikita, kumain, nagpa-piktyur, nag-shopping. Nakakalungkot nga lang na kailangan niyang bumalik agad doon kasi mag-iexpire na ang visa niya noong 21.

Hindi buo ang loob ko na lumipad agad ng Davao kasi marami pa akong trabahong maiiwan at may mga party na gusto ko pang puntahan (sayang ang mga regalo at paraffle). Sinigurado kong matatapos ang edit ng pelikula ni Shandii Bacolod na “Ben & Sam” para magawa na ang sound design habang bakasyon. Nga pala, gay film (na naman) ito. Nairaos ko naman kahit papaano. 

Nabalitaan kong gagawa si Adolf (Alix) ng bagong pelikula at gusto ko sanang umepal pero hindi ko na naabutan ang shoot nila. Matagal-tagal ko na kasing hindi nakikita ang mga kasamahan ko sa production team na yun. Ginawa ko na rin ang 6-hour assembly ng bagong documentary ni Ditsi Carolino, ang “Eleksyon”, tungkol kay Abang Mabulo ng Camarines Sur. Siya yung town mayor na lumaban kay Dato Arroyo (na hindi taga CamSur) sa pagka-Congressman noong 2007 elections. First time kong mag-edit ng documentary at na-eexcite ako sa mga natututunan ko kay Ditsi. Hindi madali ang mag-edit ng documentary. Sixty tapes ang nakunan nilang raw footage. Dalawang beses ko nang pinanood ang mga yun ng isa-isa at siguradong madadagdagan pa. Sobrang ganda ng topic niya na nag-inspire sa akin ng gumawa rin ng sarili kong documentary.

Mga ilang araw bago ako lumipad, tinapos ko rin ang pelikula ni Joel Lamangan na “Familia Sagrada” kasi magpi-Premiere Night na sila ng 23. Nairaos din naman. Pangalawang pelikula ko na ‘to ke Direk Joel at masaya siyang katrabaho. 

Kababalik ko pa lang galing Davao, ang halos one-year-in-the-making indie romcom na “Fling” ni Han Salazar naman ang sinimulan kong gawin kahapon. Matagal ko nang tinanggap ang proyektong ito (July 2009 pa) kaya hindi ko maiwanan. Medyo natagalan ang production nila kaya naunahan pa siya ng iba pang mga pelikulang inedit ko [Maximus & Minimus ni Nap Jamir na naging bahagi ng CinemaOne Originals noong Disyembre].

Hindi pa tapos ang “Eleksyon” dahil marami pang prosesong pagdadaanan sa editing pero masaya akong nagawa ko na ang unang baby step. Target namin na matapos siya sa buwang ito. Sa totoo lang, dito sa pelikulang ito ako pinaka-excited dahil kakaiba at bago siya para sa akin. Maganda ang materyal at relevant siya para sa halalan sa Mayo. Pakiramdam ko, isa siyang advocacy para sa akin na gawing maganda ang pelikula para gawin itong daan hindi lang sa pagbibigay ng edukasyon sa mga taong manonood nito kundi magpapamulat sa atin sa dumi ng proseso ng eleksyon sa ating bansa. At higit sa lahat, para malaman ang naging pagkakamali nating sa pagluklok kay Gloria Arroyo bilang Presidente. Ang docu na ito ang nagpapukaw uli sa politikal na parte ng pagkatao ko.

Naramdaman ko ang pagod noong December nung magkasunod-sunod ang mga pelikula. Umaga, nasa “Eleksyon” ako, gabi sa ‘Sagrada’ o ‘Ben & Sam’. Naadik ako sa pagod, yung tipong gusto kong magkaroon ng sunod-sunod na pelikula ngayon taong ito. 

Bukod sa editing, tinatarget ko ring magkaroon ng mga screenplay projects ngayong taon dahil gusto kong lawakan pa ang sarili kong kakayahan. ‘Daybreak’ at ‘The Thank You Girls’ pa ang huli kong mga nagawa kaya habang bakasyon, piniga ko ang utak ko para sa mga konseptong gusto kong isulat at nakapagsimula na ako kahit papaano ng isa. At sana, sana, sa hinaba ng paghihintay at pagpapasensya ko, matuloy na ang paggawa ko ng “Bodega”, ang pangalawa kong full-length sa taong ito. Mind over matter. Iisipin kong magagawa na talaga siya! It shall happen. Oh, 2010 is love.

2 shouts:

Wish I Could

Binigyan ako ng chance ng kaibigan kong si Noel Ferrer na magdirek ng isang music video para sa isang up and coming artist na YM (Young Men). Duo ito nina Edgar Allan Guzman and Andrew Miguel. Nanalo si Edgar sa Mr. Pogi 2006 sa Eat Bulaga. Nameet ko na dati si Edgar sa shoot ng ‘Imoral’. nakita ni Noel si Andrew Miguel last year habang nag-audition ito para sa Cinemalaya. Siya yung bida sa video na “Freshmen”.

Shinoot namin ang video sa Manila Ocean Park. Simple lang naman ang concept at ang iniwasan lang namin ay magmukha siyang isang videoke background video na nagiging tendency ng mga OPM music videos. Well, gusto ko na dark yung konsepto at kwento pero naisip kong the venue and resources don’t call for it. Dinisapprove kasi yung una kong concept, sayang. Kapag may iba pang videos na gagawin ko, dun ko na lang i-aapply yun.

In fairness, maganda ang kanta. Nakaka-lss after. Konti lang kami sa prod, para lang kaming gumagawa ng exercise sa Film 112. Walang nanggugulo except dun sa isang grupo ng mga tao na nangungulit kay Edgar. Salaat kay Redge sa pag-iilaw, kina Chad at Ela sa pagtulong, kay Leo na nagkulay at sa mga taga-Ocean Park na nag-assist at nagpagamit sa amin ng libre sa location.



At bilang trip lang namin, gumawa kami ni isa pang version. Baklaang homo-erotic romantic version haha.



0 shouts:

Lavender ang kulay ng mundo ni Omeng

Umuwi siyang bakas pa sa alaala ang bilis ng mga pangyayari sa loob ng bus ng hapong iyon. Hindi na niya naaninag ang mga mukha ng grupo ng mga lalakeng nakakurbata pero tumatak sa kanya ang mukha ng isa sa kanila nang sumigaw ito ng ‘holdap!’. Dalawang lalake ang mabilis na itinutok sa mga naninigas na pasareho ang kanilang dalang baril at tatlo ang sabay-sabay na nanlimas ng kanilang mga gamit, selepono at pera.

Eksayted siyang umuwi noon kasi huling araw na niya sa bankong pinagtatrabahuan at kinabukasan ay papasok na sana siya bilang copywriter sa isang maliit na ad agency. Sa wakas, papasukin ko na ang daigdig na matagal ko nang gusto, sabi sa sarili habang nakatingin sa estatwa ni Ninoy sa bungad ng Corinthian Gardens. Dahil nakuha niya ang sweldo nung araw na iyon at bilang gantimpala na rin sa sarili sa matagal na pagtitiis sa trabahong hindi niya mahal, dumaan siya ng Quiapo para bumili ng kulay ubeng casing para sa kanyang selepono.

“Cellphone mo!” sigaw ng mamang may pilat sa kanang kilay.

Bago niya pa ito iabot ay kinapkap na ng lalake ang kanyang bulsa, sapatos at underwear. Pakiramdam ni Omeng, nabastos siya, hindi dahil nahawakan ang kanyang nananahimik na ari kundi sa mga isinigaw sa kanya ng holdaper.

“Ano ba yan! 5110! Magpalit ka na ng selpown!”. Itinapon pabalik sa kanya ang selepono at dinig sa buong bus ang tinurang iyon ng walanghiyang magnanakaw. Natunaw ang dignidad ni Omeng, tila ba hinubaran siya ng karapatang magmataas na kung tutuusin, mas magaling siyang magsuot ng kurbata kaysa sa maangas na mama. Galit ang nabuo sa pagkatao niya, nagdilim ang kanyang paningin at parang superhero sa mga pelikula, sinaniban siya ng kakaibang lakas upang labanan ang mga kriminal. Tagumpay siyang naging tagapagtanggol ng mga biktima.

Abot-langit ang pasasalamat sa kanya ng mga natulungan nguni’t wala na siyang mukhang ihaharap sa kanila. Hindi pa rin siya natauhan mula sa kahihiyang idinulot sa kanya ng lalakeng uminsulto sa kanya. Ang pagwawalanghiya sa kanyang iyon kung tutuusin ay tinga lang sa mga nagyari sa kanya nang umagang iyon: tumawag ang boypren niya at sinabing hindi na siya nito mahal, natapilok siya sa elevator, pinagalitan siya ng 711 cashier dahil wala silang barya sa limandaang pisong binayad niya. Pero nang dahil sa isang selepono, pinagdudusahan niya ang kahihiyang walang kapantay.

Naglakad siya pauwi, naglalakbay ang sarili. Minarapat niyang humiga sa garahe ng apartment niya para subukang buuhin ang nabasag niyang kumpyansa sa sarili nguni’t kahit ano pa ang pilit niya, wasak na ang lahat ng pinaghirapan niya. Tumayo siya at aksidenteng nasipa ang isang lata ng pinturang lavender na inilaan sana niya para sa kanyang costume sa ati-atihan.

“Ube! Paborito ko ang ice cream na ube!”

Nagliwanag ang buong mundo niya. Noon lang siya nakaramdam ng matinding saya, isang pagbangon mula sa kamamatay lang na tiwala sa sarili. At sinimulan na niyang pinturahan ang garahe. Angganda. Angganda-ganda! Tumakbo siya sa sala at nilagyan ng pintura ang mga nakakalat na libro ni Haruki Murakami, ni Charles Dickens, ni Gabriel Garcia Marquez.

Ang mga cds ng Our Lady of Peace, ang mga memorabilia ni Sharon Cuneta, ang pirmadong movie poster ni Nini Jacinto, ang mga libro ni Bob Ong na itinuring na niyang bibliya, . Ansaya. Ansaya-saya! Sinunod niya ang kusina, ang kubeta, ang mga sabong panlaba, ang limang sachet ng anti-dandruff shampoo, ang lalagyan ng gamot para sa buni at an-an, ang masikip niyang kwarto, ang mga nakadikit na mukha ni Keanu Reeves, ni Kris Allen, ni Lea Salonga, ni Madonna, ang barong tagalog na matagal niyang pinag-ipunan, ang mga rebulto ng Sto. Niño, ang mga rosaryo.

Ang alaga niyang bonsai, ang buntis niyang pusakal, ang tsinelas niyang Spartan, ang itim niyang skinny jeans, ang tshirt niyang branded, ang kanyang mga kamay, ang makinis niyang mga braso, ang kanyang leeg, ang kanyang mukha. Ang malungkot niyang mukha!

Natuwa siya’t lumabas ng bahay at sinimulang pinturahan ang kalsadang binaha, ang mga pink na bakal sa EDSA, ang mga tulay, ang MRT, ang mga urinal, ang mga bangketang nagbebenta ng piratang dvd, ang mga tindering bungal, ang mga tinderang mapagsamantala, ang mga maiingay na pasahero, ang mga bus. Ang bus, kung saan lahat nagsimula.

“Akin na ang mundo!” Wala na siyang iba pang masabi sa ganda ng kanyang obra.

Bukas, paano ako magsisimula ng bagong buhay, tanong niya sa sarili.

Nagkulay lavander ang mundo ni Omeng. Pero habang buhay niyang dala ang bagahe ng kahihiyang idinulot sa kanya ng hamak na Nokia 5110.

0 shouts:

Nakakasabaw din ang mga panaginip

Hindi ko maikilos ang mga paa ko sa di maipaliwanag na dahilan. Humahangos, naghahabol ng hininga. Nilipad ko ang bubong ng lumang bahay namin sa Davao at walang pwersang lumipad papunta sa itaas ng katabing bahay-kubo. Aswang ako nun, hinahabol ng mga hindi ko kilalang tao. Nagising akong basang-basa ng pawis, ayun naman, laway lang pala.

Isang beses napanaginipan kong isa akong ibon na nagmamasid sa malawak na sapa na lagi naming nilalakaran noon papuntang eskwela. At sa panaginip na iyon, may isang talon sa dulo. Napagpasyahan kong puntahan ang napakagandang talon at dumaan sa ilalim ng tulay. Mabilis ko raw siyang nilipad at hindi ko pa man naabot ang pupuntahan ko, sumalpak na ang mukha ko sa madilim na ilalim ng tulay. Kung anuman iyon, hindi ko na alam kasi nagising na ako.

Naging madali para sa akin ang paglipad nung naging superhero ako sa isang panaginip. Naalala kong busog na busog ako nang matulog nang gabing iyon at muli, mula sa bubong ng lumang bahay namin sa Davao, sinimulan kong lakbayin ang kalawakan. Dumaan ako sa ibabaw ng puno ng kaimito, sa mga kable ng kuryente, sa ilalim ng eroplano. At pataas. Pataas ng pataas. Anggaan ng pakiramdam ko na para bang isinilang ako para lumipad kasama ng mga ibon at ulap. Napakasarap ng pakiramdam kahit hindi ako tumira ng ruby nun, hindi ko alintana na sa totoong buhay, takot akong pumunta sa mga matataas na lugar. Sa paglapag ko sa lupa, naghihintay sa akin ang isang grupo ng mga palaka at nilamon nila ako ng buong-buo.

Isang beses naman, umakyat ako sa hagdanang yari sa kawayan. Isang napakatayog at napakataas na hagdanan. Napasarap ang akyat ko at nang napatingin ako sa pinagmulang lupa, nabitawan ko ang hagdan at parang bulak na idinuduyan ng hangin, nalaglag ako ng dahan-dahan. Naramdaman ko ang aking pagbagsak. Napakatalinghaga. May ritmo. May liriko. Kasabay noon, ang pangambang baka atakehin ako sa puso.

Naisip ko ang posibilidad na baka dating buhay ko, isa akong aswang, ibon, superhero o social climber lang. Kung bibigyan ng mas malalim na kahulugan ang mga paglipad sa panaginip ko, pinapaliwanag siguro nito sa akin na kahit anong taas ng lipad mo, babagsak at babagsak ka rin sa lupa dahil may gravity ang mundo.

Kaninang madaling-araw, sa unang pagkakataon napanaginipan kong sumisid ako sa isang napakalalim na dagat. Hindi ako sigurado kung isa akong Survivor castaway sa panaginip na iyon pero may tinuruan ako kung paano lumangoy. Ang kabalintunaan niyan, sa totoong buhay, natatakot ako sa dagat. Dahil ang dagat, nilalamon ang sinumang lumaban sa daloy ng kanyang mga daluyong. Kung bibigyan ito ng malalim na kahulugan, sinasabi nitong kailangan ko na uling magbawas ng timbang dahil kasimbigat ko na ang isa’t kalahating butanding. Nangyari ang panaginip na ito sa bagong taon. Bakit kaya ako napasisid? Ano ang mga aral na napulot ko sa mga panaginip na ito?

Hindi ko alam. Sabaw lang.

0 shouts:

Tonight, the moon is blue

Bisperas ng bagong taon din noon, una niyang naramdaman na itinadhana siya para sa isang kapalaran na naisulat para lamang sa iilan.

“Isang araw, titingalain ako katulad ng pagtingala ko sa makulay na paputok na ito”. Sumabog ang mga fireworks, iba-ibang kulay. Kumapit siya sa kamay ng inang nakangiti sa kanya – mga pagod nang kamay na nagtatawid ng kanilang gutom na sikmura sa araw-araw.

Parehong taon nung magpasya siyang makipagsapalaran sa isang hindi pamilyar na lugar – ang puntahan ng mga kaluluwang may matatayog na pangarap. Gubat na maituturing, naglipana ang mga asong handang lumamon sa mga estrangherong walang ibang bitbit kundi ang mataas na pag-asang mahahanap nila roon ang nakatakda para sa kanila.

Nahanap nga niya, sa prosesong hindi naging madali (at tanging ang kalangitan lang ang may batid ng lahat). Kung para sa iba na hindi naniniwala sa kakayahan niya ay nasa patag pa lang siya gayundin para sa ibang walang malay ng kanyang pinagdadaanan ay nasa tuktok na siya, nahanap niya ang sarili na nakatayo sa gitna ng talampas na iyon. Matagal na rin siyang nakadikit doon at nakamasid sa malawak na espasyo ng lupa habang nakatitig ang maliwanag na buwan na sadyang nagparamdaman sa ikalawang pagkakataon upang isambulat ang magiging katuparan ng kanyang tadhana.

Nagbalik-tanaw siya sa nagdaang taon. Naghatid ba ito ng saya sa kanya? Ng dalamhati? Ng pagkabagot sa paghihintay ng mga hindi dumating? Ng pagdaramdam? Masyado ba siyang naniwala sa mga hula? Naisip niyang panahon na upang gumawa ng mga hakbang para sa pag-angat ng sarili niya.

“Walang ibang gumagawa ng tadhana kundi ang sarili”.

Marami siyang pinapangarap maabot. Napapangiti siya tuwing naiisip niya ang mga iyon.

0 shouts: