"Psst!"
Nakita ka niyang naglalakad mag-isa sa isang kapehan kung saan tumatambay ang mga pasosyal sa may Araneta Center, Cubao. Gulat siya pero hindi ka sigurado kung naaaninag mo pa rin ang ningning sa mga mata niya. Hindi rin siya sigurado kung ano ang sasabihin niya.
Matagal na kasi kayong hindi nagkikita, halos isang taon na mula noong may pinasabog kang balita tungkol sa sarili mo. Sino ba ang unang lumayo? Siya o ikaw?
"Saan ka pupunta?" tila isang template na tanong, filler sa isang album na walang magandang kanta, program plug sa tv show na walang commercial, anghel na dumaan sa hangin.
"Diyan lang." Kikitain mo ang boypren mo. Halos isang taon na rin pala kayo. Mabilis ang panahon. Alam niyang masaya ka.
Umupo ka sa tabi niya, hindi niya inasahan yun. Ipinakilala sa mga bago niyang kaibigan. Wala kayong maisip na pag-usapan. Bakit nga ba hindi na tulad ng dati na lahat ay pwede ninyong maging tampulan ng diskusyon, hindi na kailangan ng bente-singko sentimos para tumunog na parang juke box, wala nang gatilyo para lumabas ang bala ng baril, walang pagitan.
Simula noong nagka-boypren ka, wala na kayong naging tulay, nag-iba na ang mga mundo ninyo. Hindi niyo lubos maisip na sabay kayong umiyak noong nagbuhos ka ng problema sa kanya halos isang taon na ang nakaraan.
"Alis na muna ako, text mo ako kung nasaan kayo pagkatapos niyo magkape."
Tumango lang siya. Natakpan kaya ng usok ng sigarilyo ang ngiti niya? Tinahak mo na ang daan patungo sa kung saan naghihintay ang boypren mo. Hindi ka lumingon, hindi ka niya hinabol ng tanaw. Hindi na kayo tulad ng dati. Wala ni isa sa inyo ang nakakaalam kung bakit.
"Saan kayo banda?" text mo sa kanya isang oras ang nakalipas.
"Dito, inuman sa may Araneta Center."
Wala na siyang natanggap na reply mula sa'yo. Hindi ka na niya kinulit o tinanong kung hahabol ka pa ba. Umuwi siyang lasing. Umuwi ka na sakay sa kotse ng boypren mo.
0 shouts:
Post a Comment