Thursday, November 12, 2009

Inatake ako ng ADHD

I-photoshop ko kaya ang aking sarili?

O di kaya, maglagay ng piercing sa gitna ng ilong?

O magmahal ng temporary, yung good while boredom lasts, dalawa or tatlong oras.

Friday, October 09, 2009

"The 'Thank You' Girls" at the 45th Chicago International Film Festival


From the 45th Chicago International Film Festival website, "The 'Thank You' Girls" is summed up as: This celebration of a singular family of drag queens follows a hapless group of beauty pageant contestants who leave the big city in search of fame, glamour, and adoration out in the rural provinces. This lighthearted, brightly colored romp draws us in—past the girls’ glamorous façades to their destructive everyday habits—as they tear through the Filipino countryside.

TYG is part of the festival's World Cinema and OUTrageous sections. Screening schedules:

  • Oct 12, 2009 9:30pm – $12/$9
  • Oct 17, 2009 10:30pm – $12/$9 Producer Jim Hohl scheduled to attend
  • Oct 18, 2009 8:00pm – $12/$9 Producer Jim Hohl scheduled to attend
CIFF is the longest running competitive film festival in the US. By the way, CIFF told me that if you'll come in drag to the Oct. 18 screening, you'll get in for free. Fun di ba! So go na, as in g-o-w!

Sunday, October 04, 2009

"The 'Thank You' Girls" in Calgary Int'l Film Festival

TYG is the only Filipino film to be exhibited at the 2009 Calgary International Film Festival in Canada.

It will be shown on October 4, 7:00pm at the Eau Claire Market - Cineplex Odeon Screen #2.

Monday, September 21, 2009

Ikaw, siya at ang lihim na espasyo

"Wuy." Matagal rin niyang inisip ang dahilan kung bakit di ka na niya maramdaman.

"Pasensiya na."

"Ano ka ba, hindi mo na kailangan himingi ng dispensa." Hilaw na ngiti ang tugon niya.

At tulad ng dati, hindi mo iyon napansin. Dahil siguro, ganoon ka na bilang tao. Mas gusto niyang isipin na hindi.

"Maraming bago sa buhay mo ngayon 'no?"

"Masaya ka ba para sa akin?" tanong mo.

"Oo. Oh well, hindi oo na oo."

"Biglaan lang lahat. Ganoon nga siguro kapag nakita mo na ang taong para sa'yo."

"Wag kang mag-alala. Sa bandang huli, sasalubungin din kita. Hindi para pangitiin ka kundi para pagtawanan ka."

"Ano ka ba naman. Ngayon lang ako naging masaya. Uli."

"Pasensya na". Nakatingin siya sa semento. Binibilang ang mga pulang langgam na dumadaan sa ilalim ng kanyang pulang tsinelas.

Bakit ba kasi hindi mo maramdamang mas gusto niyang siya ang samahan mo kesa sa iba.

Hindi pa pala niya kayang tapusin ang kwento niyo.

Wednesday, September 02, 2009

Bituing katulad ng rosaryo

Isang pambihirang pagkakataon ang maamoy niya muli ang dama de noche na nagpapaalala sa kanya ng kanyang kabataan. Ilang taon na siyang hindi bumalik sa bahay na iyon, ang bumuo ng kanyang pagkatao. Napagtanto niyang marami na nga ang nagbago simula noong huli siyang humiga sa balkonaheng iyon para pagmasdan ang mga bituin na nakangiti mula sa langit. Paborito niya ang mga bituing nagkukumpulang parang rosaryo at tungkol doon ang pinakaunang maikling kwento na kanyang isinulat bilang pagpupugay sa kanilang kagandahan. Hindi na niya matandaan kung saan niya nailagay ang kopya nito pero hinihiling niya na sana, nasa mabuti itong kalagayan.

Nawala na ang punong mangga sa gilid ng bahay na iyon na lagi niyang inaakyat. Iniiwasan niya itong tingnan mula sa kanyang kwarto dahil ang sabi ng mga kalaro niya, may isang malaking kapre ang nakatira doon. Isang gabi ng Miyerkules Santo, araw kung kelan malapit nang mamatay ang Panginoon, nag-ipon siya ng lakas ng loob para silipin mula sa kanyang bintana ang puno at marahil dala ng kanyang labis na takot o pag-iisip na totoo ngang may kapre ay nakakita siya ng isang bolang apoy na naglalakad sa hangin. Napatalukbong siya sa kanyang kumot at nang hindi na niya matiis ang takot ay tumakbo siya sa loob ng kwarto ng kanyang mga magulang at doon na nagpalipas ng gabi.

“Hindi kapre yun. Baka santelmo lang.” sabi ng nanay niya pero mas lalo siyang natakot dahil kalaro niya mismo ang nagsabing ang apoy na iyon ay mula raw sa dugo ng patay na may kaluluwang hindi mapakali.

Nagsipag-alisan na sa kanilang lugar ang kanyang mga kababata na kadalasan kaysa sa hindi, ay nakakaaway niya dahil madalas siyang dayain sa laro nilang siyatong, piko, chinese garter, kikbol at patintero. Wala na ang liga ng basketbol na madalas niyang inaabangan tuwing Mayo, buwan ng matinding sikat ng araw, na inooganisa para sa nalalapit na piyesta ni San Juan tuwing Hunyo. Nguni’t bago niyan, ay ang prusisyon ng Flores de Mayo kung saan ang mga katekista ang pumipili ng mga batang nagsisipagganap bilang mga tauhan sa bibliya at sa hapon ng pinakahuling araw ng buwan ng mga bulaklak, iikot ang prusisyon sa buong subdibisyon at papanoorin iyon ng mga nakakatandang natutuwa sa mga magigiliw na mga bata. Siya ang laging napipili na Joseph, ang asawa ni Maria na ama ni Hesus. Pero ang totoo niyan, gusto niyang maging isa sa mga anghel na may hawak ng mga letrang A-V-E-M-A-R-I-A pero sa malas niya, hindi siya napipili. Naisip niya, siguro masyado siyang payat para magkaroon ng pakpak.

Sa bahay na iyon niya ipinagdiwang ang pinakamasaya niyang kaarawan kung saan nagluto ang nanay nya ng ispageti na walang hotdog at nagtimpla ng juice na may napakaraming tubig. Walong taon siya noon at hinding-hindi niya iyon makalimutan sa dalawang kadahilanan. Una, dahil iyon ang una at huling pagkakataong nagkaroon ng handaan para sa kanyang bertdey. Pangalawa, dahil nakisaya ang pinakauna niyang crush, ang kapitbahay at kababatang si Monet. Laking tuwa niya noong inabot ni Monet sa kanya ang basong pinag-inuman nito ng juice at buong kilig niya itong pinuno uli at doon siya uminom. Sinigurado niyang ang parte ng baso kung saan dumampi ang mga labi ng kanyang childhood crush ang kanyang magagamit. Hindi man nakita ni Monet iyon pero para sa kanya, iyon ang kanyang first kiss.

“Nasaan na kaya siya?” tanong niya sa sarili.

Napangiti siya nang maalala niyang sa abi ng kanyang ika-walong kaarawan ay nalaman niyang may gusto si Monet sa kanyang malayong pinsan at kapitbahay rin na si Gina. Kung nasaktan man siya noon ay hindi na niya maalala pero maaaring isa iyong pangitain sa kanyang magiging kapalaran, maraming taon ang dadaan. Maaaring kapalaran nga niya ang pag-ibig na hindi nasusuklian.

Antagal na nga niyang hindi humiga sa parteng iyon ng balkonahe at kung hindi pa niya naamoy ang dama de noche, hindi niya maalala ang mga mukha at pangyayaring naging dahilan kung bakit napakasaya ng kanyang kabataan. Lumipas man ang panahon pero mananatiling naroon ang mga bituing nagkukumpulang parang rosaryo. Kung para sa susunod na henerasyon na magmamasid sa mga ito, iba ang magiging kahulugan nila pero para sa kanya, mananatili silang napakagandang alaala.

Monday, August 31, 2009

Sino ka ba!

Eh, isa ka lang naman sa libu-libong generic na aesthetically gifted guys na pakalat-kalat diyan sa mga makokonyong lugar. Allergic kaya ako sa konyo! Nung una kitang nakita, anyabang-yabang ng dating mo, eh kung binugbog kaya kita.

Masyado kang dressed to kill. Kapag kasama kita, pakiramdam ko, yaya mo ako. Hindi ba pwedeng mag-shorts at mag-tsinelas ka na lang, kakain lang naman tayo sa The Fort ‘no! Masyado kang mabango. napapahiya ang Vitasoft (baby fresh) cologne ko. Masyado kang malinis, antagal-tagal mo sa banyo. Ano bang ginagawa mo dun? Naliligo ka ba sa gatas ng ina? Daig mo pa ang babae sa tagal mo magbihis. Iwan kaya kita!

Masyado kang vain at superficial. Kapag katabi kita, mortal sin ang pagpawisan kasi pakiramdam ko andumi-dumi ko na. At ang pinakanakakaloka sa lahat, wala kang barkadang pangit! O siguro naa-associate ko lang ang kutis-mayaman sa pagiging gwapo. Sandali, bakit ba ‘fuck!’ ka ng ‘fuck’. Hindi ba pwedeng mag-‘putang ina ka’ na lang. Yung kasinlutong ng La-La. Oo, fish cracker yun, hindi pet name ni Lady Gaga. Ambabaw mo talaga, wala kang depth.

Hay naku, masyado kang pa-kyut, hindi ako natutunaw sa mga ngiti o titig mo. Masyado kang pa-impress, nakakainis! Ni hindi nga ako nakikinig sa mga kwento mo. Alam mo bang nakaka-turn off yang ginagawa mo? Nakailang hikab na kaya ako, wish ko lang mapansin mo. Wala kang ibang alam pag-usapan kundi gym at kotse? Wala nga ako nun! Isa akong butanding na mahilig lumamon at nilalakad ko lang ang Batasan papuntang MOA.

Kaya sorry ka na lang, hindi ako nakakarelate sayo kapag bagot na bagot ka na sa kakahintay sa driver mo dahil coding ka. Ni hindi mo nga alam paano mag-commute. Kaya pala natameme ka nung sinabi ko sayo minsan na may tinulak akong lalake sa harap ng rumaragasang jeep, akala ko kasi holdaper. “Hindi ba masyadong mausok sa jeep?”, tanong mo. “Obvious ba”, sagot ko. Hindi ko alam kung bakit, basta tumawa ka na lang bigla. Mina-mock mo ba ang pagiging mahirap ko! “Hindi, ah.” pa-kyut mong sabi. Nakup! Sarap mo talagang tampalin.

Masyado kang maselan, akala mo dati nakakalason ang isaw. Oo, streetfood din ang banana cue tulad ng adidas at betamax. Ni wala kang idea kung gaano kasarap ang kwek-kwek at monay. Hindi mo alam kung ano ang biko at karyoka. Ang tawag mo sa kalabasa ay ‘yellow thing’. Try mo kaya kumain nun. Salpak ko sa bunganga mo, eh. Di kaya hypochondriac ka lang?

Akala mo cool ka dahil masyado kang pa-film buff? Laking tuwa mo siguro nung tinanong mo kung napanood ko na ang “Nosferatu” at ang sagot ko ay hindi. May evil grin kapa, kasi for once, nalampasan mo ang IQ ko. If I know, tulad ko, hindi mo rin naintindihan ang semiotics nun. Eh di ka nga nanonood ng sine kapag hindi Hollywood at diring-diri ka sa pelikulang Tagalog. Dati nga, akala mo si Einstein ang umimbento ng telepono at hindi mo alam ang ibig sabihin ng “compromise” at “sulking”. Turn-off ka talaga.

Masyado kang maarte. Mahilig ka pa sa musicals. “Ewe. You’re so gay”, trip kong sabihin kapag binabalahura kita. Oo, balahura. Sensya, hindi ko alam ang English equivalent nun. Basta, ‘yun na ‘yun. Sumasakit ang ulo ko sa R&B at Bossa, ano ba. Walang angas ang taste mo sa music. Pa-kyut ka nga! At masyado kang colonial mentality. Di porke’t nanonood ako ng local tv channels eh mababang uri nako ng tao. Kabilang kaya ako sa tinatawag na diverse at intelligent viewing public. Kunwari ka pa diyan, eh tawang-tawa ka kaya kay Pokwang! Ayaw mo lang aminin, baka kakantyawan ka ng mga friends mo.

Masyado kang spaced out. Natatawa ka sa mga sarcastic kong hirit hindi dahil naintindihan mo ang mga ‘yun kundi naa-amuse ka lang kung paano ko siya dini-deliver. Laking gulat mo, di ba, nung sinabi kong nanonood ako ng PBA at Ultimate Fighting Challenge. Sabi ko, ansarap ng mga basketball player! Mababaho ang mga yan, sagot mo. Inggit ka lang, sabi ko, kasi hindi ka kasintangkad at kasinggaling nila.

Hay naku. Sino ka ba! Eh, isa ka lang naman sa libu-libong generic na aesthetically gifted guys na pakalat-kalat diyan sa mga makokonyong lugar. Allergic kaya ako sa konyo! Pero pakshet, nami-miss kita.

Saturday, August 29, 2009

Ikaw, siya at ang beer sa lalamunan

“All I have to do is dream,” sabi niya.

“Oo. Yung bandang kumanta nyan, sabay-sabay silang namatay sa isang plane crash,” sabi mo.

“Kinilig ako nung kinanta siya nina Ally McBeal at Antonio Sabato, Jr. sa isang episode kung saan nag-hire si Ally ng male escort para magpanggap na boyfriend niya. May gusto kasi siyang i-prove. Nagselos si Billy, yung childhood sweetheart niyang may-asawa na.”

“Weird ako. Hindi ako mushy.”

“Applicable kasi sa akin ang life imitates art. Mas masarap mabuhay sa hindi makatotohanang mundo.”

“Bakit ba pag-ibig na lang lagi ang bagahe mo?”

“Kasi matagal ko na siyang hindi nararamdaman.”

“Mature ba tayo?”

“Hindi. Sa lahat ng tao, pakiramdam ko, ako na lang ang hindi nagbago.”

“Gusto mong isipin na hindi siya masama?”

“Sana nga hindi masama na manatili akong isip-bata.”

“Siguro naman.”

“Kasaysayan na lang ang huhusga sa atin.”

“Sa atin.” Pag-uulit mo.

“Ako ang representasyon ng sawing pag-ibig.” Seryoso siya.

“Nakakatawa naman.”

“Ikaw ba hindi?”

“Ganon din ang pakiramdam ko.”

“Kaya nga tayo nandito, di ba.”

“Dala-dala ang parehong bagahe.”

“Sa magkaibang lebel.”

“Bakit?”

“Basta. Sigurado akong magkaiba tayo ng nararamdaman.”

“Sa parehong konteksto.”

“Pwede rin.”

Hindi na nila alam ang susunod na sasabihin sa isa’t isa.

“Uy…” hindi ka niya matingnan ng diretso.

“Bakit?”

Gusto niyang hawakan ang kamay mo. Pero hindi niya magawa. [Ang totoo niyan, gusto na niyang tapusin ang kwento niyo. Para sa’yo kaya?]

Thursday, August 27, 2009

Confrontation three

[*3rd of three. Ang konek nito ay ang dalawang mga nauna: Confrontation at Confrontation, too.]

Salamat pero hindi mo naman kailangang makinig sa mga pagdadalamhati ko. Ano ka ba, wala ‘to. Ang totoo niyan, napapasaya ako ng mga bagay-bagay na nakakasakit sa akin. Mas nalulungkot ako sa katotohanang hindi ako ang dahilan ng kalungkutan niya. Ngayon, unti-unti ko nang pinag-aaralan kung paano lumayo sa kanya. Wag mo na kasi ako bigyan ng pansin, hindi ako sanay na may nag-aalala sa akin.

Salamat nga pala sa dalawang galong ice cream na binili mo. Naubos ko siya ng isang upuan habang nanonood ng “Nightmare on Elm Street” at “Petrang Kabayo”. One and Two. Talagang alam mong iyon ang gamot ko sa pag-eemo, no? Nagprisinta ka na namang lutuan ako ng pasta. At dahil hindi pula ang sauce na ginamit mo, tatlong kawali ang nilamon ko habang paulit-ulit na nakikinig ng System of a Down, Saydie, Slipknot, Rage Against the Machine at Aegis. Ng sabay-sabay. Oo, headbanger ako.

Salamat sa plano mong bigyan ako ng dalawang maltese terriers pero ang totoo niyan, panda at koala ang gusto kong gawing house pets. Minsan nga, gusto ko rin mag-alaga ng penguin at oras na malaman mo yun, sigurado akong bukas na bukas din, lilipad ka ng Alaska para hulihin ang pinaka-kyut na penguin sa buong kapuluan. Nga pala, ang gusto ko ay yung penguin na polka dot ang balat ha, kung sakaling may makita ka.

Salamat din pala sa pagsasabing anggaling-galing ko kahit lahat ng tao, tae ang tingin sa obrang ginawa ko. Kahit papaano, naiaangat ko ang sarili kahit man lang sa paningin ng mga taong tulad mo.

Hindi ko namalayan isang gabi na nakalutang na pala ako sa Ilog Pasig sa sobrang kalasingan pagkatapos kong languin ang apat na kahong sioktong at bangag dahil sa limang piraso ng katol na sabay-sabay kong tinira dahil mag-isa kong ipinagdiwang ang kaarawan niya. Dumating ka sakay ng isang helicopter para iahon ako pero hindi ko natatandaang ikaw ang tinawagan ko.

Siya, na pinapangarap kong sumagip sa akin, ay nalunod rin pala sa sarili niyang kalungkutan dahil hindi man lang siya binati ng taong pinangarap niyang bubuo sana ng bertdey niya. Teka, pupuntahan ko siya. Kailangan niya ng makikinig at dadamay sa kanya. Hindi mo na ako kailangang samahan pa.

Kaya, sa muling pagkakataon, heto na naman ako, nakamasid sa kanya habang ipinagluluksa ang pag-ibig niya para sa taong may mahal namang iba. At ikaw, bakit ka ba laging handang magmasid sa akin?

Paulit-ulit mo mang sabihin at iparamdam sa akin, maraming salamat pero hindi ko kailangan ang pagmamahal mo.

Tuesday, August 25, 2009

Ang paghihiganti ni Cofradiang Panget

Nakikilala mo pa ba ako? Sigurado akong ‘hindi’ ang isasagot mo. Huwag mo akong titigan na para bang ang pagtataka mo ang mag-uudyok sa simbahan para gawin kang santo. Awa? Anong awa ang pinagsasabi mo.

Hindi mo man lang ako pinakinggan noong unang beses kong sinubukan na lapitan ka at ibigay sayo ang card na pinagpuyatan kong buuhin. Isinulat ko ang tulang ginawa ko para sayo at nilagyan ko ng tatlong petals ng bughaw na rosas para maiparamdam ko ang paghanga sayo. Hindi mo man lang tinanong ang pangalan ko at mabilis mo akong sinipa ng iyong napakatigas na paa. Black belter ka nga pala. Ang iniwang alaala nun ay ang marka ng swelas sa mukha ko na araw-araw kong tinititigan sa salamin dahil umaasa pa rin ako na sana, umilag na lang ako.

Nakita kita sa mall kasama ang nililigawan mong sikat na artista. Lumapit ako para ngitian ka dahil gusto kong ipakita sayo ang bagong linis kong ngipin pero hindi ko pa naibukas ang mga labi ko ay sinigawan mo na ako at ipinahiya sa mga taong dumadaan. Tinulak mo ako sa salubong na escalator at hindi ka pa nakuntento, nilagyan mo ng dinikdik na sili ang nabasag kong bungo at sinabi mong wag na wag na kitang susundan. Nakatingin sa akin ang nililigawan mong sikat na artista habang humahalakhak sabay sabing “belat”. Sana sinampal mo lang ako noon. E di sana, hindi nakalabas ang utak ko ngayon dahil sa nabasag kong bungo.

Naiihi ako noon kaya pumasok ako sa isang sosyal na restawran at doon, kumakain ka kasama ang bago mong nililigawang sikat na model. Nakita mo ako at hinila papunta sa kusina at walang kaabog-abog na itinali mo ang mga kamay at paa ko sa tangke ng gas sabay sabing “wag mong gambalain ang pagkain ko dahil nasusuka ako kapag nakikita ko ang pagmumukha mo!” Natuwa ako kahit papaano dahil natatandaan mo ako. Siguro, naaalala mo ang sapatos mo kapag nakikita ako. Inutusan mo ang mga kusinero na i-bake ako sa oven at kapag naging golden brown na ako ay ilagay ako sa loob ng pridyidir upang manigas at nang hindi ka na magambala pa habambuhay. Pag-alis mo, imbes na sundin ang utos mo ay ginahasa ako ng sampung tagapagluto, benteng waiter, tatlong sekyu pati na ng babaeng cashier at baklang manedyer.

Hindi ko inisip na api ako pero katulad ng mga bida sa fairy tales at telenovela, nakapag-asawa ako ng bulag na mayaman na siyang nagbigay sa akin ng lahat ng hihingiin ko. Siya, na hindi ko rin sigurado kung minahal nya nga ako o napapanatag lang siya sa katotohanang may nilalang na mas masaklap pa ang sinapit kaysa sa sarili niya. Oportunista ako kaya mayaman na ako ngayon. Sikat at tinitingala ng mga taong dati nag-aakalang isa akong estatwa sa gitna ng garden ng namatay kong asawa. Pero, higit sa anumang pagtanggap ng mundo sa bagong ako, sinigurado kong mabubuhay ako ng matagal upang sa pagdating ng araw na ito, maisagawa ko ang paghihiganting inaasam-asam ko.

At ngayong kaharap na kita, nakapagtatakang ni awa o galit sa’yo ay hindi ko maramdaman. Ni pag-ibig, pagnanasa o libog ay wala na rin. Napatitig na lang ako sayo at napagtantong ang trahedya ko lang ay masyado kasi akong mahilig sa gwapo.

Wednesday, July 15, 2009

TYG showing at Cinemalaya '09

If you were trapped in an island, then you should watch...

"The 'Thank You' Girls" opens the LGBT Specials at Cinemalaya 2009 on July 18, Saturday, 9PM at Cultural Center of the Philippines Silangan Hall.

O, pano. Cinemalaya, sambahin niyo ako uli!

Thursday, July 09, 2009

Confrontation, too.

Oo, nakita ko na siya. Ang totoo nyan, nag-usap pa kami. Ngayon, mas naiintindihan ko na kung bakit patay na patay ka sa kanya. Sa isang libo’t isang paraan o maaaring hight pa riyan, hindi ko kayang makipagkumpetensiya sa kanya. Antaas niya. Mataas na mataas.

Kaya pala gabi-gabi, hindi ka mapakali hangga’t hindi mo nasisiguradong nakauwi na siya o nakakain na ng hapunan. Anlaki siguro ng ngiti mo kapag kasama siya ‘no? Mahilig ba siya sa mga mamahaling restaurant o sa tabi-tabi lang tulad mo? Ayaw din ba niyang magbasa ng Twilight books tulad mo? Antalino siguro ng mga balitaktakan ninyo. Huwag na, ayokong sumabay kapag nagdinner kayo, baka malunod lang ako.

Sabay din ba kayong nanonood ng anime? Sabi mo, mahilig kayong mamirata ng dvd at manood ng pelikula na gustung-gusto niyong dini-deconstruct pagkatapos. Alam mo bang sa pelikula din umiikot ang buhay ko? Kahit papaano, nakakapagsulat din ako pero mas gusto mong mabasa yung mga sinusulat niya. Hinding-hindi ako magiging kasinggaling niya, sigurado.

Ano nga uli yung album na pinakinggan niyo habang nakahiga kayo sa madamong bahagi ng Sunken Garden bago bumagyo nung isang buwan? Hindi ba’t mas romantiko kapag nagpapatugtog siya ng cello habang nakikinig kang nakatingin sa langit, naghahangad na sana lagi kayong magkasama. Uy, pinapangarap ko ring makasama ka sa Sunken kaya lang busy ka palagi. Oo naman, alam ko namang uunahin mong gawin kung anuman ang gusto niya.

Hindi mo nga pala naikwento sa akin kung binigyan ka na niya ng surprise pero umabsent ka isang Lunes nung malaman mong naospital siya dahil sa sakit sa tiyan at nagulat siya paggising na puno na ng puting rosas ang kwarto niya. Minsan isang hatinggabi, sinundo mo siya sa isang inuman kung saan siya naglasing dahil namatay ang kanyang mini pincher dahil sa katandaan. Answerte naman niya. Lagi kang nandiyan para sa kanya. Sana ganyan ka rin sa akin pero mas pinili kong huwag nang sabihin sa ‘yo.

Pero ngayong sinabi ko na sa’yo, wag kang mag-alala dahan-dahan ko nang ilalayo ang sarili ko. Pero kahit noon pa, hindi ba’t andito lang ako, laging malayo sa’yo? O, wag ka nang malungkot. Ayokong nakikita kang ganyan. Anlayo ko pero tanaw kita habang tinititigan siya. Hay. Katulad din kita. Nagmamahal ng taong nagmamahal ng iba. Answerte niya, kahit ano gagawin mo para sa kanya kahit alam mong ang patutunguhan nun ay sa wala. Swerte mo nga, andito ako para pakinggan ka.

Sana kahit papano, lumingon ka rin sa akin habang nakatingin sa kanya. Katulad ng ginagawa ko sa’yo ngayon.

Sunday, July 05, 2009

Confrontation

Angwapo mo pala sa personal. Hindi binigyan ng hustiya ng larawan mo ang ngiting kayang magpatunaw ng isang bloke ng tawas. Pinapraktis mo ba yan? Malamang, hindi. Answerte mo naman at nasa dugo mo ang natural na kagwapuhan kaya mahalin mo ang mga magulang mo, ha. Alam mo ba na gwapo ka? Malamang, oo. Hindi ka naman magdadamit ng ganyan kaayos kung alam mong hindi mo ito kayang dalhin. Kahit basahan, sigurado akong kaya mong gawing mabango. Sa puti mong yan, magmumukha ka pa ring bagong ligo kahit isang taon kang hindi matulog. Ano nga pala ang pabango mo?

Ambata mo pa, nasa rurok ka na ng tagumpay. Mahal na mahal mo siguro ang ginagawa mo at pinagkakakitaan mo pa. Kapag nagsasalita ka sa harap ng napakaraming tao, sa isang pitik nakikinig sila sa ‘yo. Paano mo nagawang maging ganyan katalino? Sa lahat ng diskurso, pananaw mo ang nananalo. Kaya mong hilain ang mga hindi mo kapanalig. Ganyan kalakas ang karisma mo.

Nagsusulat ka rin pala. Nakakatuwa naman. Ilang love letters ba ang kaya mong sulatin sa isang araw? Hindi mo na kailangang bigyan pa sila ng mga tula, sapat na ang talinghaga ng mga ngiti mo at mapapasaiyo na sila. Sa tuwing tumutugtog ka ng cello, buong mundo natutulala. Sa susunod, lapatan mo ng musika ang mga tula mo. May paborito ka bang tinutugtog? Hindi sa tuwing nalulungkot ka dahil alam kong perpekto ang buhay mo at wala kang dahilan para hindi maging masaya.

Ilan nga pala ang alaga mong aso? Ambait mo naman. Kung sakaling gustuhin mong magkaroon ng anak, magiging mabuti kang ama. Napakabanayad mong mag-alaga, taos-puso. Mahilig ka magbigay ng surprise? Napakaromantiko. Sa simpleng pulang lobo, sa mga tsokolate, sa isang piraso ng pulang rosas, sa isang tuhog ng banana cue, sa isang pretzel o pan de coco, sa isang “I love you” note sa bill ng kuryente na ipinaskil mo sa pridyidir, binibigyan mo ng ligaya ang gising sa umaga.

Hindi nga nakapagtatakang ikaw ang pinili niyang mahalin. Oo, mahal na mahal ka niya. At hindi ko kayang punan at palitan ang malaking espasyo mo sa puso niya.

Saturday, June 27, 2009

Magpapa-makeover ako

Sigurado akong ito na ang magluluklok sa akin sa dambana ng kagandahan. Walang effort, walang gastos.

Hindi na ako magpapagupit. Ganun din yun, tutubo pagkatapos ng isang buwan. Papalitan din ang current hair fashion. Sayang ang effort. Wala ka rin namang ibang gawin sa parlor kundi mag-scan ng mga lumang magazines. Bakit pa ba kailangan mag-gym at magpalaki ng muscles? E di kumain na lang ng kumain, magpakataba, magpakababoy. Minsan lang tayo bata. Pagtanda natin, mag-aamoy lupa rin tayo, lalaylay na ang balat at hindi na kinakailangan ang muscles. Marami na ang sakit na maninirahan sa katawan natin at magsisisi tayong hindi natin kinain ang mga pagkaing dapat nating inenjoy nung tayo'y malusog pa.

Masyadong mahal ang mga bagong labas na fashionable clothes. Sa totoong buhay, hindi naman sinusuot ng totoong tao yung mga ibinabalandra sa runway, eh. At katulad ng lagi kong ginagawa, hahalughugin ko ang lahat ng mga ukay-ukayan sa Pilipinas. Kung anong uso, babaligtarin ko ang fashion statement ko. Tight-fitting clothes? Pwes, papakyawin ko ang lahat ng extra large shirts. Bright colors? Mag-iitim ako lagi. Pagluluksa sa kinahinatnan ng Pilipinas.

At ang finale. Magpapakahaggard ako ng fatale. Easy. Wag matulog ng isang linggo, instant eyebags galore. Walang reinforcement na pulbo o hilamos. Maligo na lang kapag kinakailangan. Sayang kasi ang tubig, kailangan ng mga susunod na henerasyon ng malinis na tubig. Gusto ko yung tipong hindi na ako makilala sa sobrang kapangitan. Besides, what is essential is not visible to the naked eye naman, di ba.

Dapat, ang laging mantra sa buhay: oiliness is next to goddessness.

Saturday, June 20, 2009

Lagi na lang ganito

Hindi lahat ng taong hinihintay, dumadating.
Hindi lahat ng dumadating, para sa'yo.

Thursday, May 07, 2009

TYG Cebu invasion


For more bisdak pride....

"The 'Thank You' Girls" showing na in Cebu! 

MAY 13-19, 2009. 

Cinema Cebu at Colon St. 

Dali na! Tell your Cebuano friends about it. GO! As in G-O-W!