Navigation Menu

Featured Post

Sampung puting rosas

Ibinalik mo sa akin ang paniniwala na may nangyayaring "good accidents" sa buhay-buhay natin. Akala ko kasi dati, sa "Serendipity" lang nangyari yun. Di pala. Pwede rin pala siyang maganap sa Bulacan, sa Cubao o sa Panay.

Ambilis pala ng mga nangyari. Hindi ko namalayang nalunod na pala ako sa kumunoy ng mga ngiti mo, ng mga kwento mo, ng ingay mo. Ganun pala yun. Hindi mo iispin na dadating ang isang tao sa'yo at talagang nandyan siya na hindi man lang kakatok o magdoorbell. Bubungad na lang siyang parang advert sa isang porn site.

Di ba nga, nakasimangot ka pa sa akin nung una mo akong nakita. Di ba nga, ang kaluluwa ng alak ang nagtali ng mga pusod natin para maglakad sa iisang mundo at kabit-kabit na buhay-buhay. Di ba nga, maingay ka. Di ba nga, walang pakundangan ang pagbukas ng ating mga sarili sa isa't isa. Di ba nga, nandoon na tayo. Di ba nga, nagtago tayo. Di ba nga, nagulantang tayo. Di ba nga, nabilisan tayo sa mga pangyayari pero sumakay tayo na kapit-kamay para hindi mahulog o mabangga. Di ba nga, sabay tayong lumipad.

Naalala mo pa ba yung isang puting rosas na inilagay mo sa bag ko habang nakalingat ako. Dinagdagan mo pa nga ng siyam yun. Oo, binilang ko. Binilang ko hanggang hindi ko na kayang magbilang dahil pati ang mga talutot nito, gusto kong pitasin para ilatag sa mesang pinagkainan natin at ibalik sa oras na tayo'y aalis. Naalala mo ang barbikyu? Masarap sila, gaya nung panahong nagkukwentuhan lang tayo ng mga bagay-bagay na nakakatawa at kahit anuuman ang nangyari sa iyo sa nakaraan, masaya nating binaybay ang katotohanang kaya ko rin pala na hindi magpanggap.

Ang ikli lang pala ng panahon natin. Hindi pa ako nakahinga mula sa gulat ng pagtatagpo natin, nagising akong lumabas ka na ng pinto nang di ko naririnig ang mga yapak mo. Wala ka na pala. Ang alam ko, hindi ako nanaginip at lalong hindi ako namalikmata.

Naalala mo pa ba ang oras? Ambilis niyang lumipas. Ambilis niyang dumaan. Ambilis niyang bumisita. Parang pinagtripan niya lang ako at dinala ka niya sa akin para sabihing "nangyayari ang mga aksidenteng pagtatagpo". Binilang ko siya. Binilang ko hangga't hindi ko na maintindihan kung ano ang mga nangyari, kung paano nangyari at bakit nangyari. Binilang ko hangga't hindi ko na alam kung ibabalik ka pa niya sa akin o hindi.

Mabuti pa pala ang hangover, kung minsan, hindi ka iniiwanan. O ang peklat, kasi panghabambuhay. O ang balakubak, dahil nangungulit sila para balikan ka. Ang oras, hindi. Ikaw kaya?

Nga pala, andyan pa ang sampung puting rosas. Nakandusay. Matamlay. Ibang-iba sa mga ngiting naramdaman ko mula sa kanila nung iniabot mo sila sa akin sa gitna ng mga nagsasalpukang bote ng beer at barbikyu. Nalulungkot rin siguro sila dahil walang kasiguraduhan kung masisilayan ka pa nila. Sana, makapaghintay pa sila sa iyong walang kasiguraduhang pagbabalik. Tulad ko.

2 shouts:

[G] said...

huwag naman sanang waiting for godot ito.

Anonymous said...

buti nga si godot, me pagpaparamdang naganap. baka wala na nga akong hihintayin eh. mahirap na.

Instagram

Follow @ bebsisms