"Please give me a chance to love you, too."
Hindi mo alam 'to pero pinagtawanan ako ng kaibigan kong si Ferdie nung marinig niyang sinabi mo sakin to. Napangiti ako, oo. Pero hindi ako yung tipong nagpapapahalata ng saya o gulat o kilig. Mahigit apat na taon na pala mula nung sinabi mo sa akin ang mga katagang yun. Naalala ko lang at napapangiti pa rin ako.
Ayoko kasing simulan ang liham na 'to sa "Dear Carlo". Hindi naman kasi ako mail-order bride. Alam mo namang lahat ng ginagawa ko, gusto kong gawin sa kakaibang paraan. Kadalasan, sa kagustuhan kong mapaiba, nagiging korni at predictable na yata ako. Hindi na nakakatuwa. Sa tuwing nakikita ako ni Ferdie o kahit maka-text man lang, lagi niyang pinapaalala ang linya mong iyon at sa tuwina, namumula ako. Parang teenager na namumukadkad, nababalisa at nagkakataghiyawat. Tumatak nga ang pick-up line mo.
Sa tuwing tinatanong kita kung bakit mo ako mahal, lagi mong sagot 'hindi ko alam'. Dapat nga ba akong matunaw o mag-alala? Inaasahan kong sasabihin mo na mahal mo ako 'kasi umuutot ka sa harap ko nang walang paalam, kasi pinipilit mo akong kumain ng gulay, kasi natatawa ka kapag sinasabi kong amoy matanda ang repolyo, kasi hinahayaan mo akong lumabas kapag Sabado, kasi pinapatawa mo ako sa mga hirit mo, kasi pinagtitiyagaan mo ang ugali ko, kasi jologs ka.' Ang sabi mo lang, mahal mo ako dahil ako ito. Yun lang at napapakalma na ako kahit kadalasan, hindi ko alam ang ibig sabihin ng 'ako ito'.
Halos limang taon. Hindi ko na maalala ang bawat detalye ng mga buwan, linggo, araw, oras, minuto, segundo ng iyong paglubog, paglitaw, pagseselos, pamamaalam, pagyakap, paghalik, pagtawa, pakikinig, pagsuporta pero lahat ng yun, nakaukit na sa sistema ko at katawan ko na ang kusang naghahanap sa presensya mo. Sa lahat ng tagumpay, nandyan ka para makisaya kasama ko. Nakikidalamhati sa tuwing nabibigo, ibinibigay ang balikat sa bawat panibugho, nakinig sa lahat ng angas.
Isang salamat lang ba ang maaari kong sabihin sayo? Malamang hindi. Dahil kulang pa ang isang salita na mamumutawi mula sa aking mga labi. Dahil sa bawat sandali, lagi kong ipinagpapasalamat ang pagkakataong ibinigay ko para sa ating dalawa. Dahil wala nang hihigit pa sayo. Dahil wala nang hihigit pa sa pagmamahal mo.
0 shouts:
Post a Comment