Navigation Menu

Featured Post

Not so gloomy Sunday

Hindi ba't laging Linggo ang nagpapaalala sa atin sa mga kanta ng ating kabataan?

"It Must Have Been Love" ang pinapatugtog sa radyo nung araw na 'yun. Radyo ng kapitbahay. Hindi na kasi ako nakikinig ng radyo magmula nang mamatay ang aso ko dahil sa isang pangkaraniwang sakit. Sinisi ko ang radyo noon dahil bente-kwatro oras akong nakababad sa pakikinig ng mga programang nagbabasa ng mga sulat-karanasan ng mga tagapakinig na dumaan sa hagupit ng pag-ibig.   Naaalala ko ang sabi ng kaibigan ko, 'that song will never be the same again'.  Nalaman ko na lang na ang kantang iyon ang laging pinapatugtog habang sumasayaw ang paborito niyang macho dancer sa gay bar na tambayan niya tatlong beses sa isang linggo.

Tahimik tayong kumakain ng bagoong, hapon ng makulimlim na Linggong yun. Maalat na ulam para sa malungkot na kaning lamig. Nakasanayan na nating kumain ng lampas sa oras kapag Linggo. Tinatamad kasi tayong kumilos at mas gusto nating mag-aksaya ng oras sa paglalaro ng jakenpoy pagkagising natin sa tanghali.

Ang mga tunog ng mga aligagang kutsara't tinidor lang ang kaulayaw ng kantang pang-gay bar. Kakaiba ang ere sa bahay. O hindi ko lang napansing dalawang buwan na pala tayong hindi nag-uusap kahit tungkol man lang sa mga bagay na wala namang kabuluhan sa buhay o relasyon natin. Madalas naman nating pinagtatawanan ang mga mabababaw na bagay noon.

Mga kwento mo tungkol sa panonood mo sa boss mo habang nangungulangot sa opisina, ang nakikita mong mga batang kalye na nagpapabilisan sa pagjajakol sa harap ng Jollibee, ang mga dahilan mo kung bakit ayaw na ayaw mong manood ng news, ang paghahalintulad mo ng buhay mo sa isang soap opera. Lahat ng iyon, kahit paulit-ulit mong ikwento sa akin noon, napagtitiyagaan kong pakinggan at di ako nabigong maaliw.

Hindi ba't nagsimula ang katahimikan sa apat na sulok na ito nung hinawakan ko ang kamay mo nung iniiyakan mo ang hindi na pagtawag sayo ng fuck buddy mo na nakilala mo lang sa barbikyuhan sa kanto. Marahil nagulat ka kasi di mo inasahan ang pagdampi ng mga kamay ko o kahit inasahan mo man, hindi mo pinangarap ang bagay na yun.

Isang segundo at inalis ko na ang pagkahawak ko sayo pero binago nito ang pakikitungo natin sa isa't isa. Hindi mo na ako matingnan sa mata, pinipili mo na lang ang mga bagay na kinikwento mo sa akin, ang pagbibigay mo ng opinyon tungkol sa pulitika at showbiz, ang mga drama mo sa buhay.

Kumakain tayo nun, magkaharap nguni't parang hindi nakikita ang isa't isa. Matagal akong nagmuni-muni, nagtimbang, nag-ipon ng lakas ng loob. Gusto ko kasing magtanong, linawin at basagin ang anumang meron o wala tayo. Wala nang nangyayari sa relasyon na 'to.

"Teka, anong relasyon?"

Mahaba-habang usapan ito.

0 shouts:

Instagram

Follow @ bebsisms