Navigation Menu

Featured Post

Two Princes

Kakaiba ang alas-kwatro y medya na iyon para sa'yo. Aksidente mong napindot ang kantang 'Two Princes' ng Spin Doctors sa tinatangi mong iPhone. At nagbalik sa iyo lahat ang mga image ng kabataan na akala mo noon ay panghabambuhay.

Hindi nga ba't 90's baby ka? Ang panahon kung kailan isang malaking kahihiyan ang malaman ng crush mo ang pagtingin mo sa kanya, ang panahon na nagsisimula pa ang mga mall at arcade, ang panahon ung kailan umusbong ang alternative rock at grunge, ang panahong ang tanging pinapangarap mo lang sa buhay ay maging DJ sa radyo at magkaroon ng mic at karaoke.

Naluluha ka kasi iniisip mong halos dalawampung taon na ang nakakaraan at hinahanap mo kung nasaang posisyon ka na ng buhay mo at kung ano'ng puwang sa mundo ang kinalalagyan mi. Napapaisip ka sa mga bagay-bagay na dati hindi mo binibigyan ng bigat katulad ng kamatayan. Isang katotohanan na kailangan harapin dahil nakikita mong unti-unti nang nalalagas sa harap mo ang mga dating kaklase, kaibigan, kalaro ng tumbang-preso na napaikli ang buhay dahil sa sakit, aksidente o pagpapatiwakal.

Alas kwatro sinkwenta y dos ng madaling araw at nararamdaman mo ang katotohanang ika'y matanda na at ang mga taong noo'y nasa edad mo ngayon ay tinitingala mo dahil sa kanilang tinamasang tagumpay o pinanggigilan mo dahil hindi ka nila naiintindihan bilang teenager.

Ngayon, ngayon na ikaw na ang nasa lugar nila at sila, sila ay tumanda at lumipas na, naiisip mo kung anong kanta kaya ang magpaparamdam ng nostalgia sa mga bata ngayon kapag umabot sila sa edad mo ngayon. At dalawampung taon magmula ngayon, ano uli ang kantang magiging sanhi ng pagkalikot ng mga alaala mo. O kung mapalad ka ba na mabigyan ng pagkakataong mabuhay pa at namnamin ang mga alaalang ito.

Pareho lang ang 'Two Princes' na pinapakinggan mo noon at ngayon. Pero iba na ang kahulugan nito para sa'yo ngayon.

Noon, isa itong kantang sabay-sabay niyong kinakanta ng mga kaibigan mo sa college habang masayang lumalabas ng gate ng eskwelahan, ninanamnam ang oras na maagang natapos ang klase dahil tinatamad ang titser. Ngayon, isa itong kantang naglalagay ng perspektibo sa pananaw mo sa buhay at iyong mga alaala.

Alas singko trese ng umaga. Hindi ka pa rin dinadalaw ng antok. At iniisip mo kung ikaw pa rin ba ang dating 90's teenager na nangangarap magkaroon ng romantikong pag-ibig. O ang taong binago dahil hindi mo nakuha ang pangarap na iyon.

Napangiti ka ng may pait. 'Two Princes' lang 'yan, andami mo nang drama, sabi mo sa sarili mo.

Akala mo kasi, iba ka na sa kung ano ka noon. Malaking bahagi pa rin pala sa'yo ang hindi nagbabago.

0 shouts:

Instagram

Follow @ bebsisms