Navigation Menu

Featured Post

Sayang, hindi pala ganun kakumplikado

Naalala mo pa ba ang isang bote ng parmesan na inilagay mo sa pansit canton na niluto natin nung isang malamig na hatinggabing sabog tayo sa kanya-kanya nating moda? Naramdaman ko na sweet ka sa akin. Sinubuan mo ako ng isang tinidor ng nilukot na pansit canton pero hindi mo ito binudburan ng parmesan. Alam mo kasing paborito kong ulamin yun. O di kaya, pinapapak habang nanonood ng telenovela sa hapon. Kaya tuwang-tuwa ka na makita akong naglalaway sa pinapapak mong canton na isang oras kong niluto gamit ang kalan at uling sa likod ng bahay.

Nung inakyat natin ang pinakatuktok na bahagi ng napakahabang tulay sa Mindoro, hinawakan mo ang aking pinagpapawisang mga kamay. Kinilig ako nung sinabi mo na anlambot ng mga daliri ko, hindi bagay sa mukha kong parang kabayo. Hirap man akong akyatin ang napakatayog na mga bakal, di bale, naramdaman ko naman ang pagmamahal mo dahil pinuwersa mo akong isuot sa'yo ang harness na binaon ko para sa sarili ko at nag-alangan man ako, pinagbigyan kita nang sinabi mong umakyat ako gamit ang pulang high heels ng nanay mo. Ramdam ko ang kilig nang maglapat ang ating mga palad at bigla mo akong itinulak patungo sa mabatong lupa na siyang naging alaala ng minsang malinaw na sapa. Lasog man ang mga buto ko at napuno man ng dugo ang kapatagan, sapat na sa akin na marinig ang nakakahawa mong tawa habang tinitingnan ako. Mas pogi ka pala kapag masaya.

Umuulan ng apoy ang kalangitan - mas higit pa sa Sodom at Gomorrah - isang gabi. Kumakatok ka sa pinto namin at kahit pinamugaran ng muta ang mga talukap ko, pinagbuksan kita. Narinig kitang humihikbi at bigla mo akong niyakap. Nag-alangan ako dahil yun ang unang pagkakataong nagdampi ang mga dibdib natin. Naririnig ko ang malalakas na dagundong ng iyong puso at walang pagdadalawang-isip mong binasag ang dalawang bote ng beer na grande sa ulo ko. Ang sabi mo, "pasensiya na, napagdiskitahan lang kita ng galit". Hindi ko maintindihan kung bakit pero ang alam ko, ako lang ang tinatakbuhan mo kapag binasted ka, hindi sinipot ng kasex-eyeball o di kaya ay di ka isinama ng mga barkada mo sa gimik nila dahil mahilig kang magpalibre ng pamasahe. Napapangiti pa rin ako, pinakahuli man ako sa listahan mo, ako pa rin ang takbuhan mo.

Minsan, pinainom mo ako ng insecticide na may halong natutulog na mantika. Sabi mo, "gusto ko, sabay natin subukang magpakamatay". Tuwang-tuwa ako nun. Pakiramdam ko, ako si Juliet at ikaw si Romeo. Sinampal mo ako ng malaking palakol. Sinigawan mo ako dahil gusto mo ikaw si Juliet. Sige na nga, sabi ko. Pinili ko na lang maging si Othello. Talagang mahal mo ako, 'no? Pinagdasal ko talaga ng masinsinan, sana lagi tayong sweet sa isa't isa.

Di ba, sabi pa nga natin, mas gusto nating magpahinga sa purgatoryo. Kasi dun, hindi masyadong mainit tulad ng impyerno. At di masyadong bughaw katulad ng langit. Kaya lang, hindi natin pinag-usapan kung magtatabi ba tayo o magyayakap kapag may maririnig na kulog o isa sa atin ang kukuryentehin ng kidlat. Ang alam lang natin, sabay nating ibuhos ang lahat ng sama ng loob sa nagugunaw nang mundo.

Lahat pala, kaya nating gawin. Kakayanin ko, basta sabay lagi tayo.

Pero nakita kita minsan, hawak-kamay ang isang lalakeng maputi, matangkad, malaki ang katawan, mayaman, mabango, matalino. Wala siyang patay na kuko tulad ko. Hindi jologs ang English niya, branded ang pantalon at sapatos, mapuputi at kumpleto ang ngipin. Tinawag mo ang mabantot kong pangalan habang nakasakay ka sa kanyang pula at makintab na kotse, katabi niya. Kinawayan mo pa nga ako. Napalingon ako at tulad ng slow mo sa commercial ng shampoo - sa unang pagkakataon simula nang makita ka - napilitan akong ngumiti ng totoong ngiti.

Naramdaman ko ang napakasakit na kirot na higit pa sa pagdaramot mo sa akin ng pancit canton na may parmesan, pagkahulog mula sa tulay na bakal, paghampas ng bote ng beer sa ulo, pag-inom ng insecticide na me mantika o pagbigyan kang ikaw ang Juliet at hindi ako. Anhirap pala na sa kabila ng lahat, hantungan mo lang ako at laging may isang tao na mas nakakaangat sa aking diyan sa puso mo. Na kahit ilang beses kong ibigay ang kalahati ng sarili ko para sa'yo, may isang bagay akong laging nakakalimutan. Kaya patawad.

Sa susunod naman kasi, lagi mong ipapaala sa akin... hindi pala 'tayo'.

8 shouts:

[G] said...

ang husay.

imagine kung lahat ng gusto natin ay gusto rin tayo, grabe siguro ang world peace sa mundo.

ang lungkot.

Anonymous said...

gibs, boring ang world peace.

at nabubuhay tayo sa one-way chicken. ngiti.

... said...

hi direk, miss u na. just dropping by.... sa sunod nako mu-comment ug tarong. hihi

Anonymous said...

melay!!!!

amishu too! libreha ko ha pag-uli nakog usab sa davao. har.

nakakainis ka! emotera! hmpt! :'(


hihihihihi

Anonymous said...

tsweh. ganun talaga. para me drama ang buhay.

taena!!! WAITER isang BLADE nga po jan...

ng makapag laslas na lang... nalungkot ako..

Anonymous said...

eto, samurai. para mas banal ang tama.

Instagram

Follow @ bebsisms