Navigation Menu

Featured Post

Teacher

Kaya ako lumipad ng Davao nung Oct. 24, Biyernes, ay dahil sa Guerilla Filmmaking Workshop na parte ng Mindanao Film Festival. Ako ang nagbigay ng talk sa Editing (Oct. 25, Sabado) at Production Management (Oct. 26, Linggo). Matagal ko na kasi inoohan ‘yun kaya nakakahiya nang bumack-out. Kaya kahit mabigat ang mga paa ko, tumuloy na rin ako.

(Sobrang hinayang ko na hindi ako nakapunta sa Philippine Fashion Week show ni Santi nung Oct. 26. Ilang linggo bago n’yan ay inimbitahan na ako ni Santi at talagang itinaga niya sa bato na magagalit siya sa akin kapag di ako sumipot. Gusto ko nga naman ma-experience ang glamour ng PFW kaya umeksayt na rin ako. Nagka-memory gap pala ako at nakalimutan kong lilipad ako ng Davao kaya kinuha ko pa rin ang mga tickets, ibinigay ko na lang lahat kay Armi at lumipad na di na nagpaalam ke Santi. Nahiya kasi ako. Kaya Santi, patawad na.)

(Hindi rin ako nakapunta sa selebrasyon ng bertdey ni Gibo. Gusto ko pa naman sana siyang makadaupang-palad at ang iba pang mga blogero. Aktwali, curious lang ako makita kung ang mga pagkatao nila ay tugma sa kanilang birtwalidad. Sabi ni Fiona, marami raw cute. Pero mukhang may fishy sa statement na ‘yun.)

Hindi ko alam kung ako ba talaga ang tamang tao para magbigay ng lecture tungkol sa ganitong mga kaganapan. Nagdududa ako sa kapasidad ng pasensiya ko na bumanat hanggang Kota Kinabalu kung kinailangan. Wala rin akong baon na sense of humor. At kapag may nagtanong sa akin ng napaka-technical na bagay sa editing at post-production, naku, mag-a-ala Battle Royale ang agos ng dugo sa ilong ko sigurado. Lalo pa’t ang sinundan kong mga lecturers ay mga diyos nang sina Peque Gallaga at Sherad Sanchez kaya sobrang nakakahiya kapag titimang-timang ako dun (ang weekend ko ang huling lectures). Kaya ang ginawa ko, hindi na lang ako umekspek. Hindi na lang ako nagpadala sa kaba. Pero ineportan ko na rin konti ang Powerpoint presentation para pambawi. Konti lang.

Pagpasok ko pa lang ng Alchemy, naramdaman ko na ang kakaibang enerhiya (oo, late ako) mula sa mga workshoppers. Karamihan sa kanila, nasa ibang linya ng buhay pero gusto lang talaga nila matuto kaya sila nag-enroll dun.
Kaya andun yung kanilang masigasig perkiness at excitement na matutunan ang mga bagay-bagay kung paano gumawa ng pelikula. Ganun din ako dati nung unang pasok ko sa film school. Andami kong mga tanong, andami kong gustong malaman at manghang-mangha ako sa bawat nadidiskubre ko. Napaka-olats pala ng mga tanong ko dati, nakakatawa pala ako n’un.

Naalala ko tuloy nung hindi ko pa kilala sina Truffaut, Godard, Kubrick, Welles, Eisenstein, Tarkovsky, von Trier, Van Sant at kung sinu-sino pang mga henyo sa pelikula. Ang konsepto ko lang ng magandang pelikula dati ay ‘yung mga kaya akong libangin tulad ng Petrang Kabayo at Okay ka Fairy Ko The Movie. O di kaya kapag natatawa ako kay Cheeta-eh, nakaganti si Sharon sa umaapi sa kanya, kinilig ako sa paghabol sa airport ng bidang babae sa bidang lalake tapos may kissing scene sa ending at kapag quotable quotes ang mga dialogues, magandang pelikula na siya.

Hindi ko inisip n’un ang mga semiotics, structuralism, postmodernism, gender discourse, metaphor o mga subliminal messages. Basta dati ang alam ko, itsinitsismis na magjowa ang dalawang artista sa The Buzz kapag may pelikula sila. Pinapanood ko ang mga pelikula, nalibang ako, tapos. Kapag hindi ko siya naintindihan, hindi ko siya gusto, tapos. Hindi ko na pinuproblema at binibigyan ng malalim na kahulugan ang lahat ng aspeto nung pelikula. Parang mas madali ata yung ganun.

Anlaki ng ngiti ko nung itinuro ko sa mga workshoppers kung paano pagdikitin sa editing ang dalawang clips at tulad ko, nung una ko siyang magawa sa computer kong si Dam-dam dati, namangha rin sila at napa-“wow, asteeeeg”.

Kinabukasan, nung ipinitch na nila ang kanilang mga storyline para sa gagawin nilang short film bilang final requirement, nakita ko sa mga mukha nila ang kagustuhang makapagshoot na. Nakita ko ang passion na dati naramdaman ko sa sarili ko nung ginagawa ko ang pinakauna kong short film, ang “Payb”. Proud na proud ako sa sarili ko n’un habang zinu-zoom in at zoom out ko ang lente ng handycam ko. Worm’s eye view pa nga ang paborito kong anggulo nun at lagi kong itinatatak sa utak ko ang Rule of Thirds.

Gusto ko dati, mag-indulge. Napaka-ambitious pa ng vision ko at pakiramdaman ko nun andali lang gawin. Kapag tinatanong ako kung bakit ganung anggulo ang ginawa ko, ang sagot ko “basta, gusto ko lang”. Dati, pilit kong ipinagyayabang at ipagsigawan sa buong mundo na “oo, filmmaker ako”. Na ang short film na ginawa ko ang pinakamagandang pelikula sa lahat.

Tulad ko dati, naramdaman ko sa mga workshoppers ang kanilang kakaibang passion at prinsipyong “gagawa ako ng pelikula hindi para sumikat ako pero dahil ito ang kwentong gusto kong gawin”. Naramdaman ko ang kanilang influences. Ang kanilang inspiration. At higit sa lahat, nakikita ko ang sarili ko dati sa kanila. Tuwang-tuwa akong makita sa kanila ang sigla at “artist ako” kind of glow.

Hay. Oo naman. May passion pa rin ako ngayon. Nag-iba nga lang marahil ng uri at antas.

Habang pinapakinggan ko sila at nagbibigay ako ng mga pointers kung paano gagawin at isushoot ang kanilang mga plano, hinahanap ko kung saan na nga ba ang tinungo ko. Namimiss ko tuloy maging inosenteng baguhan na puno ng raw passion.

3 shouts:

lucas said...

parang gusto ko ring gumawa ng pelikula pero parang ang gastos noh? i'm fascinated kahit yung mga shorts lang. independent and art films interest me :)

Anonymous said...

ron, go, gawa ka lang ng gawa. masaya gumawa ng films.

Anonymous said...
This comment has been removed by a blog administrator.

Instagram

Follow @ bebsisms