Navigation Menu

Featured Post

Bituing katulad ng rosaryo

Isang pambihirang pagkakataon ang maamoy niya muli ang dama de noche na nagpapaalala sa kanya ng kanyang kabataan. Ilang taon na siyang hindi bumalik sa bahay na iyon, ang bumuo ng kanyang pagkatao. Napagtanto niyang marami na nga ang nagbago simula noong huli siyang humiga sa balkonaheng iyon para pagmasdan ang mga bituin na nakangiti mula sa langit. Paborito niya ang mga bituing nagkukumpulang parang rosaryo at tungkol doon ang pinakaunang maikling kwento na kanyang isinulat bilang pagpupugay sa kanilang kagandahan. Hindi na niya matandaan kung saan niya nailagay ang kopya nito pero hinihiling niya na sana, nasa mabuti itong kalagayan.

Nawala na ang punong mangga sa gilid ng bahay na iyon na lagi niyang inaakyat. Iniiwasan niya itong tingnan mula sa kanyang kwarto dahil ang sabi ng mga kalaro niya, may isang malaking kapre ang nakatira doon. Isang gabi ng Miyerkules Santo, araw kung kelan malapit nang mamatay ang Panginoon, nag-ipon siya ng lakas ng loob para silipin mula sa kanyang bintana ang puno at marahil dala ng kanyang labis na takot o pag-iisip na totoo ngang may kapre ay nakakita siya ng isang bolang apoy na naglalakad sa hangin. Napatalukbong siya sa kanyang kumot at nang hindi na niya matiis ang takot ay tumakbo siya sa loob ng kwarto ng kanyang mga magulang at doon na nagpalipas ng gabi.

“Hindi kapre yun. Baka santelmo lang.” sabi ng nanay niya pero mas lalo siyang natakot dahil kalaro niya mismo ang nagsabing ang apoy na iyon ay mula raw sa dugo ng patay na may kaluluwang hindi mapakali.

Nagsipag-alisan na sa kanilang lugar ang kanyang mga kababata na kadalasan kaysa sa hindi, ay nakakaaway niya dahil madalas siyang dayain sa laro nilang siyatong, piko, chinese garter, kikbol at patintero. Wala na ang liga ng basketbol na madalas niyang inaabangan tuwing Mayo, buwan ng matinding sikat ng araw, na inooganisa para sa nalalapit na piyesta ni San Juan tuwing Hunyo. Nguni’t bago niyan, ay ang prusisyon ng Flores de Mayo kung saan ang mga katekista ang pumipili ng mga batang nagsisipagganap bilang mga tauhan sa bibliya at sa hapon ng pinakahuling araw ng buwan ng mga bulaklak, iikot ang prusisyon sa buong subdibisyon at papanoorin iyon ng mga nakakatandang natutuwa sa mga magigiliw na mga bata. Siya ang laging napipili na Joseph, ang asawa ni Maria na ama ni Hesus. Pero ang totoo niyan, gusto niyang maging isa sa mga anghel na may hawak ng mga letrang A-V-E-M-A-R-I-A pero sa malas niya, hindi siya napipili. Naisip niya, siguro masyado siyang payat para magkaroon ng pakpak.

Sa bahay na iyon niya ipinagdiwang ang pinakamasaya niyang kaarawan kung saan nagluto ang nanay nya ng ispageti na walang hotdog at nagtimpla ng juice na may napakaraming tubig. Walong taon siya noon at hinding-hindi niya iyon makalimutan sa dalawang kadahilanan. Una, dahil iyon ang una at huling pagkakataong nagkaroon ng handaan para sa kanyang bertdey. Pangalawa, dahil nakisaya ang pinakauna niyang crush, ang kapitbahay at kababatang si Monet. Laking tuwa niya noong inabot ni Monet sa kanya ang basong pinag-inuman nito ng juice at buong kilig niya itong pinuno uli at doon siya uminom. Sinigurado niyang ang parte ng baso kung saan dumampi ang mga labi ng kanyang childhood crush ang kanyang magagamit. Hindi man nakita ni Monet iyon pero para sa kanya, iyon ang kanyang first kiss.

“Nasaan na kaya siya?” tanong niya sa sarili.

Napangiti siya nang maalala niyang sa abi ng kanyang ika-walong kaarawan ay nalaman niyang may gusto si Monet sa kanyang malayong pinsan at kapitbahay rin na si Gina. Kung nasaktan man siya noon ay hindi na niya maalala pero maaaring isa iyong pangitain sa kanyang magiging kapalaran, maraming taon ang dadaan. Maaaring kapalaran nga niya ang pag-ibig na hindi nasusuklian.

Antagal na nga niyang hindi humiga sa parteng iyon ng balkonahe at kung hindi pa niya naamoy ang dama de noche, hindi niya maalala ang mga mukha at pangyayaring naging dahilan kung bakit napakasaya ng kanyang kabataan. Lumipas man ang panahon pero mananatiling naroon ang mga bituing nagkukumpulang parang rosaryo. Kung para sa susunod na henerasyon na magmamasid sa mga ito, iba ang magiging kahulugan nila pero para sa kanya, mananatili silang napakagandang alaala.

0 shouts:

Instagram

Follow @ bebsisms