Siyempre, hindi maipinta ang mukha mo pagdating mo sa opis o
klase noong September 1. Bukod sa nag-trend na naman ang
#WakeMeUpWhenSeptemberEnds eh, nagising ka sa lakas ng patugtog ng kapitbahay mo
ng “Christmas in our hearts” ni Jose Mari Chan. Pagsakay mo sa MRT, ang aga-aga at may naglalampungang mag-jowa sa harap mo. Bumulaga sa opisina mo ang kumukuti-kutitap na mga Christmas lights. 'Yung pabibo mong kaklase naman ay hindi na mapakali at gusto nang mag-manito/manita. Sinukluban ka na ng langit at gusto mo nang isigaw ang "Universe, I get it!" dahil eto’t taon-taon na lang, kinakalbaryo ka sa paalalang malamig na naman ang Pasko mo.
Kaya kung inaalala mo ay ang wala kang kayakap sa Pasko, isipin mo na lang na isang araw lang 'yan kumpara sa 364 na araw na natutulog kang sawi at mag-isa. May mababago ba? Kapag sa susunod na taon ay malamig pa rin ang Pasko mo, huwag ka nang malungkot. Turuan mo na lang ang sarili mo na masanay. Isipin mo na lang, marami ang nagugutom sa Africa.
K. Ikaw na ang single. Ikaw na ang walang pag-ibig. Ikaw na
ang hindi minamahal. Ikaw na ang walang kayakap sa malalamig na mga gabi. Ikaw na
ang mag-isa ngayong Pasko. Ikaw na ang naluluha sa "Pasko na sinta ko". At bakit mo nga pala pinuproblema ang pag-iisa kung isang blessing naman ang maging kasapi ng SMP. Ang totoo niyan, walang dahilan para magmukmok sa sulok kung all by myself ka tuwing Pasko. Lilipas din ang lungkot at bagot.
Magigising ka na lang isang umaga, Enero na pala at medyo malayo-layo pa naman
ang Valentines para ika-depress mo. Kung single ka sa Pasko, aba't i-celebrate ang pag-iisa!
WALANG MAKAKAPIGIL SA PAGLAMON MO. Christmas Party sa opis tapos may inuman ang barkada, may reunion naman ang buong angkan at high school batch. Walang forever sa pag-ibig pero may forever ang parties tuwing Pasko. Ang Disyembre ay Unlilamon Month kaya hindi ba't karapat-dapat lang na magpasalamat dahil wala kang boypren na magpapaalala sa'yo na lumulobo ka na? Wala kang boypren o gerlpren na alalahaning iiwan ka lang kapag lumampas ka na sa quota ng timbangan. Masarap ang pagkain sa mga Christmas parties kaya huwag mong ipagkait sa sarili mo ang kaligayahang tumaba na hindi dini-depreciate ng jowa ang self-esteem mo.
IYONG-IYO ANG 13TH MONTH PAY AT BONUS MO. Up to 70% ang
sale sa mga malls. Bagsak presyo sa Divisoria. Pinag-ipunan mo buong taon ang pangarap mong bag at sapatos. Kung may boypren o gerlpren ka, hindi mo mabibili ang gusto mo para sa sarili mo kasi wala ka namang jowa na pipigil sa pagka-gastador mo. Pinagtrabahuan mo nga naman ang pera mo, bakit nga ba siya nangingialam?
LEGIT ANG STARBUCKS PLANNER. Karamihan ng couples ay
ginagawang joint account ang pangongolekta ng stickers para sa
nag-iisang Starbucks planner na hindi naman nagagamit. Ang tamis, di ba? Kapag ikaw lang mag-isa, wala ka nang kaagaw sa custody ng mamahaling planner na makukuha ninyo.
Nagpakalunod ka na sa kape, hindi ka pa ma-stress sa kakaisip kung bakit nasa kanya ang planner eh ikaw naman ang bumili lahat ng mga kape ninyo.
BAWAS-KASALANAN. Tradisyon na ang Simbang Gabi pero ito
ang pinakamaagang oras para lumandi lalo na ang mga kabataang mag-jowa na
naghaharutan sa likod ng simbahan. Kung may boyfriend ka, matutukso lang
kayo na pag-usapan ang mga hindi kaakit-akit sa mga paningin ninyo. Kung ikaw lang ang mag-isa sa simbahan, magpipigil ka sa tabil ng dila dahil mahirap naman na kausap ang sarili mo habang nagsisimba. Maliban na lang kung may kasama kang kaibigan na mas mahilig manlibak kaysa sa'yo.
WALA KANG PANANAGUTAN SA MGA KAMAG-ANAK MO. Kung kilala ng
mga kamag-anak mo ang jowa mo at hindi mo siya kasama sa reunion ninyo, tiyak pulutan ka ng mga Titas of Manila. “Kasi Tita, umuwi siya ng probinsiya." "Kasi Tita, may sakit siya." Kasi Tita, may duty." "Kasi Tita, tumigil ka na sa katatanong!" Eh kung wala kang boypren o gerlpren at kung tatanungin ka ng walang kamatayang katanungang “Kailan ka mag-aasawa?”, eh
di sagutin mo ng “wala kayong pakialam!” Sabayan mo na rin ng walkout.
WALA KA RING RESPONSIBILIDAD SA MGA KAMAG-ANAK NG JOWA MO. Sa aminin mo o hindi, nakaka-stress ang sumama sa reunion ng mga kamag-anak ng jowa. Kung single ka, hindi mo na rin kailangan magdahilan na may sakit ka. Hindi mo na kailangan bumili ng bagong damit kasi kailangan mong magpa-impress. Hindi mo na kailangan mangawit sa kakangiti para hindi ka masabihan ng suplada. Nakakapagod mag-adjust ng personality para lang makatanggap ng magandang first impression, di ba?
HINDI KA NA MAPUPUYAT SA KAIISIP NG EXCHANGE GIFT. Higit sa lahat, hindi mo na kailangan pa ma-stress sa kaiisip kung magugustuhan ba niya ang regalo mo dahil hindi naman ito ang nasa wishlist niya. Dahil it's better to give than to receive kapag Pasko, siyempre may expectation na siya na bibigyan mo siya ng regalo. Mag-eexpect ka rin. At mag-aaway lang kayo kung hindi mo nagustuhan ang regalo niya sa'yo dahil hindi rin 'yun ang nasa wishlist mo. Kumplikado, di ba?
0 shouts:
Post a Comment