Napansin ko na siya nung Huwebes, sumakay ako sa pinakalikod na tren ng MRT katulad ng ibang ordinaryong araw. Heggard ako, nakisiksik sa gitna, nakipag-agawan ng espasyo, nagpapacute at paminsang tinitingnan ang repleksyon sa salaming malinaw. Naghahabol ng oras katulad ng ibang ordinaryong araw. Galing pa siguro siya sa North Station, nakaupo na kasi siya pagsakay ko, kumportable sa kanyang tshirt, shorts at tsinelas. Parang ako.
May aura siyang malakas ang dating sa bading. Sumisinghot ng sipon at napapangiti ako kapag naririnig ko siya. Naalala ko tuloy si Carlo, napakasakitin, araw-araw laging may sipon. Habang nagtitiext ako, nakatingin lang siya sa kawalan. Nag-iisip siguro. Iniisip niya siguro ako. Kahit alam kong hindi napapadpad ang mata niya sa akin. Alam ko yun, naramdaman ko. Mabisa ang peripheral vision ko.
Bumaba siya sa Shaw Blvd. at katulad ng ibang ordinaryong araw, matalas ang paningin ko. Kaya kong mapansin ang mga bagay-bagay sa loob ng MRT dahil may kapangyarihan ako ng depth of field. Naisip kong isa lang siya sa halos libong gwapong lalake na dumadaan, sumasakay, naaamoy, nagpapacute, nagpapawis sa MRT. Pero naalala ko siya.
Heggard uli ako Biyernes ng alas singko ng hapon. Nagmamadali, naghahabol ng oras, iba na ang damit ko. At katulad ng ibang ordinaryong araw, umupo ako sa pinakalikod ng tren, hindi na gaanong nakisiksik, hindi na gaanong nagpapawis pero mukha pa ring patay ang buhok ko, kumulot dahil nabasa ng pawis.
Nakita ko uli siya. Ang gwapong lalakeng sumisinghot ng sipon sa MRT. Sa parehong upuan, sa parehong posisyon, sa parehong oras. Nakapink na siya ngayon. Naka-Levi's tshirt, nakashorts, nakatsinelas. Parang ako.
Mas malakas na ang singhot niya, kaya niyang higupin ang buong sangka-MRT-han kung gugustuhin niya. Hindi ko alam kung bakit hindi na sumagip sa isip ko si Carlo. Nag-away kasi kami nung araw na yun.
Nagtitext ang lalakeng ka-coincidence ko. Nakatingin ako sa kawalan. Si Carlo kasi, inaway ako nung araw na yun, wala na tuloy akong kalandian. Siguro, katext ng lalake ang kanyang boyfriend. O girlfriend. O nanay o anak. Katulad nung isang araw, hindi siya ngumingiti, hindi ko nakitaan ng landi ang kanyang mga mata. Tinitigan ko na lang siya mula Quezon Avenue hanggang sa pagbaba niya at ilang beses ko nahuli ang isang lalakeng nakatingin din sa akin. Sayang, hindi ako nahuli ng lalakeng sumisinghot na nakatingin sa kanya. Handa pa naman ang mga muscles ng mata ko para sa isang kindatan session.
Bumaba uli siya sa Shaw. Ni hindi siya lumingon, ni hindi ako binigyan ng sulyap, ni hindi niya man lang naramdaman ang existensiya ko. Narinig ko pa rin ang singhot niya habang nilalamon siya ng mga nagsisiksikang tao papasok ng MRT. Bakit niya kaya paborito ang likod na bahagi ng tren? Ako? Hindi ko rin alam. Hindi ko na siya uli nakita ngayong araw na 'to...
Malamang. Gabi na kaya ako lumabas ng bahay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 shouts:
Post a Comment