Hindi ko maiwasang idikit ang tingin ko sa'yo habang nakaupo ka sa silyang kahoy na ilang dipa lang mula sa malamig na sahig kung saan ako nakahimlay. Hinahabol mo ang iyong hininga at hindi ko nakita ang lungkot na dapat ay nasa iyong mga mata nung araw na iyon.
Parang painting lang. Isang masining na painting na hindi kayang hagupitin ng brush, canvass at maitim na enamel. Iwinagayway ng nag-iisang linya ng ilaw mula sa araw ang malalalim na sugat sa iyong mukha at katawan dulot ng tadtad ng bolo na ginamit ko sa pagsaksak sa'yo. Mas gwapo ka pala kapag naghihingalo. Tinititigan mo lang ang nanghihina kong kamay na pilit abutin ang iyong putol na paa, tanda ng iyong pasasalamat sa kokonting masayang pagkakataon nung tayo pa.
Ikaw naman kasi. Sana hindi mo ako ginalit. Sana hindi ka nagselos. Siguro, hindi na tayo umabot sa ganito. Kahit anong habol ko sa aking nauupos na hininga, hindi ko maramdaman ang sakit ng iyong mga suntok at tadyak sa aking tiyan at mukha. Ngayon ko lang napansin na kinalbo mo pala ako kagabi habang nakatulog sa loob ng batya kung saan ramdam ko ang sarap ng maligamgam na tubig. Nakatingin ako sa'yo, walang paghihinayang. Ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko para ibigay sa'yo ang ngiting nagustuhan mo sa akin nung una tayong magkita sa sementeryo. Naaalala mo pa ba 'yun? Sana oo.
Hindi ko matandaan kung sinukliam mo ang munti kong ngiti. Ganito naman tayo lagi. Walang sali-salita. Walang hingian ng tawad. Pakiramdaman lang. Alam ko, ganito tayo magmahalan. At hindi tayo magpapahinga at mapapagod sa ganito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 shouts:
Post a Comment