Mahimbing ang paglalakbay ko pauwi kagabi. Sakay ng jeep, naramdaman ko ang lamig ng hangin. Minsan, malamig sa gabi, minsan mainit. Pinilit kong hindi makatulog at hindi maramdaman ang pangambang baka hohold-upin na naman ako. Sana naman hindi. Ngayon pa, bilang aligaga ako sa dinami-dami ng ginagawa. Sunud-sunod. Momentum kung momentum.
Nag-iedit ako ng pelikulang "Marino" ni Paul Sta. Ana. Ng "Astig", Cinemalaya entry ni GB Sampedro. Nagsusulat ng pang-nth na draft ng pangalawa kong pelikula, ang "Bodega". Nagpi-PM ng short film ni Gavsi Mae na "Where I'm Likely to Find It" aka "I know where it's at" for short. Andami palang nangyayari. Sana madagdagan pa. More kabusy-han at kahalamanan mode para masaya.
Kaharap ko ang isang matabang lalake. Maitim. Mukhang rocker. Mahaba ang buhok. Siyet. Angganda ng buhok niya. Straight, healthy at sumusunod sa galaw ng hangin. Sana, naging buhok na lang siya.
Katabi niya ang dalawang dalagitang napakaikli ng mga suot. Nakastripes ang isa. Nakaputi ang isa. Malalaki ang mga puson nila. Iniisip ko, sana nagpa-raspa na ang mga ito. Mukha kasi silang mga prosti. Makapal ang make-up, text ng text yung isa. Bumaba sila sa may Quezon City Hall. Tapos na siguro ang kanilang duty.
Sa likod ng passenger seat, may dalawang binatilyong mukhang Aeta. Mga taga-Balara yata. Tawanan sila ng tawanan. Baka galing sa concert ng isang emo band. Pero hindi sila nakaitim. Katabi ko, dalawang babae. Mga factory workers ata. Hindi ko na naaninag ang mga mukha nila. Hindi kasi nila inabot ang bente pesos na bayad ko. Hindi pa ako nasusuklian pala.
Mahapdi ang mga mata ko. Inantok yata ako sa isang litrong RC na ininom ko bago ako pumunta sa studio ni GB. Syet. Gustung-gusto ko na talagang magpagupit ng Beatles-look. Bangs kung bangs. Lampaso kung lampaso. Gusto ko yun. Habang straight pa ang buhok ko.
Biglang sumigaw ang isang ale. Nagulat ang lalakeng may magandang buhok. Mukhang cashier sa isang tindahan sa tondo ang ale. Siguro, makapal ang make-up niya nung umagang yun dahil ang nakita ko na lang sa kanya ay isang linya ng pulang blush on, siguro, lipstick niyang ipinahid sa kanyang mukha. Bitbit niya ang itim niyang bag at ang kanyang pulang panyo. Sumigaw siya, nagdadada. Hindi ko siya maintindihan.
"Ambaho! Putang ina, ambaho talaga!" sabi niya, galit na galit.
Inilabas niya ang kanyang cologne, inispray sa kanyang tenga at paulit-ulit niyang sinasabi "ambaho! ambaho!" Andami niyang sinabi. Sabay pa kami ng lalakeng may maganda ang buho na napakunot ang noo. Hindi ko na tiningnan ang ale, tinanaw ko na lang ang kadiliman ng UP.
Hindi na siya tumigil sa kadadakdak. Bumaba siya sa may Balara. Hindi pala taga-roon ang mga binatilyong mukhang mga Aeta.
"Sino ang dumura sa inyo?" tanong ng kunduktor sa dalawang binatilyo.
"Hindi kami", sagot ng dalawa. Nahihiyang ngumiti.
"Akala mo kung sinong maganda!" sabi ng dalawang babaeng katabi ko na mukhang mga factory workers.
Malapit na akong bumaba. Bahala kayo diyan, sabi ko sa sarili ko. Mahapdi na ang mga mata ko. Naglalakad ang ale, pahid ng pahid sa kanyang tenga habang galit na galit sa papalayong jeep.
May isang misteryosong mamuo-muong dura pala ang nilipad ng hangin na sumapol sa kanyang mapulang pisngi.
Mas magaan pala ang dura kaysa sa buhok na straight.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 shouts:
Wahahahaha! Nice one! Syet! Idol talaga kita! Hay...
hala. hehe.
wuuuuy. musta na?
Post a Comment