Paborito niya ang lugar na iyon. Hindi dahil sa magandang tanawing nakikita niya mula sa burol kundi dahil sa mga halamang makahiya na namumukadkad at nakangiti sa kanya kapag siya’y bumibisita doon. Alas-kwatro ng hapon araw-araw, inaakyat niya ang matarik na burol upang kantahan ang mga makahiya. Sila’y isa-isa niyang hinihimas ng kanyang hintuturo at sila’y napapayuko, tikom ang mga ngiti. At napapasaya siya ng mga ito.
May malaking peklat si Estella sa kanyang mukha, isang alaala ng kanyang kainosentehan noong sampung taon pa lang siya. Panandaliang nakatago ang araw sa ulap noon at binigyan ng pagkatataon ang ulan na maghari sa lupa. Naramdaman niya ang pag-iisa kahit ilang hakbang lang mula sa banyo kung nasaan siya, nagtatawanan ang kanyang pamilya habang nanonood ng sampalan sa isang telenobela. Naisipan niyang lagyan ng marka ang kanyang mukha sa pamamagitan ng paghiwa nito at pag-ukit ng kanyang paboritong letra sa alpabeto, ang M. Maganda, mapang-akit, mabango, mala-diyosa, maharot, malikhain, matamis, marikit. Lahat ng M na hindi niya taglay. Muntik mang maubos ang kanyang dugo, gandang-ganda siya sa sarili habang tinitingnan ito sa salamin.
Pagkalipas ng iilang taon hanggang ngayon na siya’y nagdalaga, kahit hindi man niya pinagsisihan ang M na bumabalot sa buo niyang mukha, hindi siya nakaligtas sa mga mapanlait na kutya at pag-iwas ng mga binatang kanyang nagugustuhan. Lihim siyang pinagtatawanan ng mga dalaginding sa eskwelahan at ginagawang panakot sa mga batang makukulit. Andyan na si Estellang Peklat, ipapakain kita sa kanya, sabi ng naiiritang nanay sa umiiyak na bata.
Napagtanto ni Estella na pangit nga siya. Hindi siya nagkaroon ng kaibigan, yumuyuko kapag napapadaan sa grupo ng mga dalaginding na naglalandi sa kanto. Kumakaripas siya ng takbo habang papalapit sa nag-iinumang mga lalake sa harap ng tindahan ng uling. Hindi siya lumilingon kapag tinatatawag ng mga binatilyong naglalaro ng basketbol sa harap ng kapilya. Ang kanyang maliit na kwarto at ang burol ang kanyang naging banal na espasyo at nahanap niya ang kaligayahan sa pag-iisa.
Nakahiga siya sa ibabaw ng mga nakatuping mga halamang makahiya isang hapon nang may isang gwapong lalake ang bumaba sa kanyang magara at pulang limousine na napadaan sa tuktok ng burol. Malayo pa lang ang lalake, amoy na ni Estella ang kakaibang halimuyak nito. Nang-aakit. Hindi siya mapakali.
Siguradong mababakla si Adonis kapag nakita niya ang lalakeng ito, sabi ni Estella sa sarili nang una niyang makita si Ivo. At bigla, isang hindi maipaliwanag na damdamin ang bumugso mula sa kanyang katawan, isang pakiramdam na alam niyang matagal nang nakahimlay sa kanyang kalooban at ito na nga ang oras ng pagpupukaw nito.
“Saan ang Starbucks dito?” tanong ni Ivo.
“Walang ganyan dito. Hindi kasi kami umiinom ng kape kapag hindi ito tae ng pusa”.
Nangisay si Ivo. Noon lamang siya nakarinig ng boses ng isang babaeng ang mga salitang kumakawala sa bibig nito ay tila liriko ng mga kantang inaawit ng mga ibon sa umaga. Ibang-iba sa mga babaeng fashionista na nakilala niya sa mga bars na pinaglalasingan niya. Sa mga puti, negra at latinang may accent sa kanyang mga paglalakbay. Sa mga artist sa museo, sa mga sirena sa karagatan at sa mga babaeng astronaut sa kalawakan. Nilapitan niya ang babaeng may peklat na labis na ikinakilig nito.
Hindi pala imposible na mangyari ang ganito, sabi ng mga kahoy na nakasaksi sa kakaibang liwanag sa mukha ng dalawang estranghero. Naramdaman nilang ito na ang simula ng isang pag-ibig na walang hanggan at hindi maikakailang iyon din ang naramdaman nina Estella at Ivo. Buong sarili ang ibinuka ni Estella at naghahanda siya para tanggapin ang lalakeng papalapit sa kanya. Si Ivo ay dahan-dahang naglalakad, sinasamsam ang bawat hakbang.
Bigla, tumigil ang mundo para sa kanilang dalawa. Nasa kalagitnaan ng paglipad sa himpapawid ang mga kuwago, napa-“haaaay” ang mga bumubukang makahiya, hinila ng hangin ang mga talahib upang sumayaw ng rumba. Lahat. Silang lahat napatigil sa kakaibang pagkikita ng babaeng may peklat at ang lalakeng kababaklaan ni Adonis.Bago pa makarating si Ivo sa nakahigang si Estella, walang babalang sumabog ang lupang tinapakan ng binatang walang kasinhalimuyak. Sumabog siyang walang pakundangan, nililipad ng hangin ang mga pira-pirasong bahagi ng kanyang katawan. Walang sinuman ang nag-akalang ito ang magiging kahihinatnan ng lalakeng magpapaligaya sana sa babaeng may peklat. Natigilan ang lahat. Napatulala si Estella.
Hindi pala para sa kanya ang pag-ibig na walang hanggan.
0 shouts:
Post a Comment