Napaaga ang uwi ko sa Davao nung December dahil tinake-advantage ko ang promo ng PAL kaya 16 pa lang, bakasyon grande na ako. Buti na lang din kasi kumpleto uli kaming magkakapatid sa bahay sa pag-uwi ni Jimboy, yung kapatid kong nagtatrabaho sa Riyadh. Bumonding kami, naligo sa dagat, binisita ang puntod ng yumaong ama, pinuntahan ang mga kamag-anak na matagal nang di nakikita, kumain, nagpa-piktyur, nag-shopping. Nakakalungkot nga lang na kailangan niyang bumalik agad doon kasi mag-iexpire na ang visa niya noong 21.
Hindi buo ang loob ko na lumipad agad ng Davao kasi marami pa akong trabahong maiiwan at may mga party na gusto ko pang puntahan (sayang ang mga regalo at paraffle). Sinigurado kong matatapos ang edit ng pelikula ni Shandii Bacolod na “Ben & Sam” para magawa na ang sound design habang bakasyon. Nga pala, gay film (na naman) ito. Nairaos ko naman kahit papaano.
Nabalitaan kong gagawa si Adolf (Alix) ng bagong pelikula at gusto ko sanang umepal pero hindi ko na naabutan ang shoot nila. Matagal-tagal ko na kasing hindi nakikita ang mga kasamahan ko sa production team na yun. Ginawa ko na rin ang 6-hour assembly ng bagong documentary ni Ditsi Carolino, ang “Eleksyon”, tungkol kay Abang Mabulo ng Camarines Sur. Siya yung town mayor na lumaban kay Dato Arroyo (na hindi taga CamSur) sa pagka-Congressman noong 2007 elections. First time kong mag-edit ng documentary at na-eexcite ako sa mga natututunan ko kay Ditsi. Hindi madali ang mag-edit ng documentary. Sixty tapes ang nakunan nilang raw footage. Dalawang beses ko nang pinanood ang mga yun ng isa-isa at siguradong madadagdagan pa. Sobrang ganda ng topic niya na nag-inspire sa akin ng gumawa rin ng sarili kong documentary.
Mga ilang araw bago ako lumipad, tinapos ko rin ang pelikula ni Joel Lamangan na “Familia Sagrada” kasi magpi-Premiere Night na sila ng 23. Nairaos din naman. Pangalawang pelikula ko na ‘to ke Direk Joel at masaya siyang katrabaho.
Kababalik ko pa lang galing Davao, ang halos one-year-in-the-making indie romcom na “Fling” ni Han Salazar naman ang sinimulan kong gawin kahapon. Matagal ko nang tinanggap ang proyektong ito (July 2009 pa) kaya hindi ko maiwanan. Medyo natagalan ang production nila kaya naunahan pa siya ng iba pang mga pelikulang inedit ko [Maximus & Minimus ni Nap Jamir na naging bahagi ng CinemaOne Originals noong Disyembre].
Hindi pa tapos ang “Eleksyon” dahil marami pang prosesong pagdadaanan sa editing pero masaya akong nagawa ko na ang unang baby step. Target namin na matapos siya sa buwang ito. Sa totoo lang, dito sa pelikulang ito ako pinaka-excited dahil kakaiba at bago siya para sa akin. Maganda ang materyal at relevant siya para sa halalan sa Mayo. Pakiramdam ko, isa siyang advocacy para sa akin na gawing maganda ang pelikula para gawin itong daan hindi lang sa pagbibigay ng edukasyon sa mga taong manonood nito kundi magpapamulat sa atin sa dumi ng proseso ng eleksyon sa ating bansa. At higit sa lahat, para malaman ang naging pagkakamali nating sa pagluklok kay Gloria Arroyo bilang Presidente. Ang docu na ito ang nagpapukaw uli sa politikal na parte ng pagkatao ko.
Naramdaman ko ang pagod noong December nung magkasunod-sunod ang mga pelikula. Umaga, nasa “Eleksyon” ako, gabi sa ‘Sagrada’ o ‘Ben & Sam’. Naadik ako sa pagod, yung tipong gusto kong magkaroon ng sunod-sunod na pelikula ngayon taong ito.
Bukod sa editing, tinatarget ko ring magkaroon ng mga screenplay projects ngayong taon dahil gusto kong lawakan pa ang sarili kong kakayahan. ‘Daybreak’ at ‘The Thank You Girls’ pa ang huli kong mga nagawa kaya habang bakasyon, piniga ko ang utak ko para sa mga konseptong gusto kong isulat at nakapagsimula na ako kahit papaano ng isa. At sana, sana, sa hinaba ng paghihintay at pagpapasensya ko, matuloy na ang paggawa ko ng “Bodega”, ang pangalawa kong full-length sa taong ito. Mind over matter. Iisipin kong magagawa na talaga siya! It shall happen. Oh, 2010 is love.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 shouts:
uy, regards sa utol mong OFW. kapitbahay ko pala sya.
i'm still hoping mapanood ko ang iyong mga gawa! but just the same, you have our respect.
cheers!
red
hi red, musta. pwede kayo magtapunan ng bato ng kapatid ko actually hehe.
sana nga mapanood mo naman pag-uwi mo. =)
Post a Comment