Navigation Menu

Featured Post

Tips from a loser

Siguradong maligaya ka sa nakamit mong tagumpay ngayon. Sa wakas, natapos mo rin ang kolehiyo makalipas ang mga taong iginugol mo sa paglilipat ng kurso at eskwelahan. Ilang linggo o buwan mula ngayon, haharapin mo na ang pakikibaka para sa iyong espasyo sa totoong mundo. 

Huwag kang matakot. Naramdaman ko din ang agam-agam mo noong nag-uumpisa pa lang akong hanapin ang kapalaran ko. Nangamba ako noon hindi dahil kulang ako sa armas para harapin ang mga pagsubok kundi iba ang digmaan na gusto kong puntahan. Sabi ko sa’yo di ba, mas gusto kong magtayo ng banda kaya mag-Nursing. Alam ko ang hirap na pinagdaanan ni Nanay noon para maituwid lang ang pag-aaral ko kaya hindi na ako nangahas na lumipat sa ibang kurso. Swerte mo nga ngayon, dalawa na kaming tumustos sa mga pangangailangan mo.

Sa bagong mundong papasukan mo, marami kang makikilalang uri ng pagkatao. Karamihan sa kanila, hindi magiging masaya sa tagumpay mo, sa mga magagandang nagawa mo, sa maayos mong pakikitungo. Sila kadalasan ang magiging balakid upang maibigay mo sa sarili ang tiwala na dapat dala-dala mo sa bawat araw. Pilit ka nilang hatakin paibaba at bigyan mo ang sarili ng sapat na lakas para huwag magpahila. Sundin mo ang utak mo. Biguin mo sila, huwag kang padadala.

Huwag mo akong tularan. Puso lang ang sinunod ko. Naging emosyonal ako, naging mahina dahil mas ginusto kong maabot ang mga pangarap na pansarili. Napakaraming pagkakataong nakalimutan ko ang paghihirap ni Nanay at ang obligasyon na maitaguyod kayong aking pamilya. Kaya’t kahit hindi ako magkakapera, nagtayo ako ng banda. Naging masaya ba ako? Oo. Napakasaya. Ginawa ko ang lahat ng nakangiti, magaan ang loob, nag-aalab sa self-fulfillment. Sa gitna ng aking kahirapan at paghihikahos, nagkasya na ako sa isang bote ng beer bilang kabayaran para sa bawat tugtog ko. Naglakad ako pauwi, umutang ng pananghalian, ni hindi ako makabili ng bagong damit o sapatos. 

Nakikita mo naman kung nasaan na ako ngayon, hindi ba? Heto, tumatanda. Pakalat-kalat. Habang karamihan ng mga kaklase ko ay nakahiga na sa pera. Iyon ay dahil naging madiskarte sila sa buhay. Naging masikap sila. Naging praktikal. Kaya gawin mong aral ang buhay ko upang magsikap kang umangat sa buhay. Ibigay mo kay Nanay ang ginhawang inasahan niya mula sa akin na hindi ko natupad. Huwag mo akong tularan. Isa akong kabiguan. Dadating ang panahong bubuo ka ng sarili mong pamilya at siguraduhin mong maipagmamalaki ka nila. 

Masasabi ko bang nagsisisi ako? Hindi. Hinding-hindi, kapatid ko. Isa man akong pangit na ehemplo, narito ako para laging nakagabay sa’yo. Pasensiya na’t nagdadrama ako. Alam mo namang ganito lang ako kapag naikukumpara ko ang sarili sa mga yumaman nang kakiklala. Masaya naman akong maging bigo. Kaya ngayon, sa iyong pagtatapos ng kolehiyo, ihanda mo na ang sarili sa mas masalimuot na buhay sa totoong mundo. Sana nakinig ka sa mga munting payo na itinuro ko. Punuin mo ang baso ko ng beer. Isang kampay pa!

1 shouts:

aDz said...

nararamdaman kita...

Instagram

Follow @ bebsisms