Navigation Menu

Featured Post

Dear Bully

Ang akala ko dati, sadyang duwag lang talaga ako dahil ako ang lagi mong inaasar at paiyakin sa harap ng mga kaklase natin. Elementary pa tayo noon at hindi ko naiintindihan ang mga salitang “patience”, “oppression” at “psychotic”. Kaya inisip ko na lang na espesyal ako para sayo dahil buhay ko ang napili mong pahirapan.

Kahit ampayat mo at mukhang sakitin, walang mintis ang mga maliliit na batong tinitirador mo sa batok at ulo ko habang itinuturo ni Ma’am Coral sa atin ang phyllum at kingdom ng mga bulate at amoeba. Naiinis ako kasi hindi ako makaganti kahit gusto ko. Ang mga bukol sa ulo siguro ang naging dahilan kung bakit antalas ng memorya ko at kaya kong imemorize at irecite ang isang buong dictionary sa loob ng isang oras.

Wala akong naisip na dahilan kung bakit mo nilublob ang mukha ko sa inodoro bago ang karate class natin. Ang natatandaan ko lang, humingi ako ng isang pirasong Chippy sa crush mong si Lizette nung recess. Binantaan mo pa nga akong lunurin sa drum ng nakaimbak na tubig ulan habang pinagtatawanan ako ng mga kabarkada mo. Pinagpupunit mo ang uniform ko nun habang ipinakita sa ibang kaeskwela ang hubad kong katawan at ang hindi pa tuli kong ari. Iyon kaya ang dahilan kung bakit naging narcissist ako?

Recognition Day noon, malaki ang panlulumo ko dahil hindi nakarating sina Mama at Papa para ikabit ang medal ko bilang first honor. Pinagtripan mong itali ng mahigpit ang medal sa leeg ko at hila-hila gamit ang alambre, buong pagmamalaki mong ipinagsigawan sa buong eskwela na ako na ang papalit sa kamamatay mong alagang tuta. Gusto kong manlaban pero alam kong kapag ginawa ko yun, mas lalo kang gaganahan sa pang-aasar sa akin. Iyon kaya ang naging dahilan kung bakit nawalan ako ng pakiramdam at simpatiya para sa iba?

High school nang nagpagpasyahan ng mga magulang ko na ilipat ako sa ibang paaralan. Hindi ko maintindihan pero namiss kita at ang mga katarantaduhang ginawa mo sa akin. Naghanap ako ng ibang batang katulad mo pero lahat sila minahal ako. Wala kang naging katulad, aaminin ko. Ilang taon na rin ang lumipas at ang huling dinig ko, nagpakamatay ka raw kasi hindi mo kinaya ang buhay na wala ako sa piling mo. Totoo ngang matagal mamatay ang masasamang damo na kahit sumabog pa ang bungo mo, nagsurvive ka pa rin. Naisip kong bisitahin ka nun sa hospital kaya lang mas masaya palang mabuhay na wala ka.

Nasaan ka na ba ngayon? Sana nakahanap ka na ng ibang mapahirapan na kaya kang tiisin at pakisamahan. Sana naging kayo ni Lizette. Sana lumago ang negosyo mong pagbebenta ng tirador. Sana nagtagumpay ka sa pagiging boldstar. Sana isinauli mo ang medal ko. Sana nakarma ka at habambuhay mong titiisin ang kirot ng nabiyak mong bungo. Sana matuwa ka na hanggang ngayon, iniiisip pa rin kita at itinuturing na malaking bahagi ng kung ano man ako ngayon.

Paano ba naman. Hinding-hindi talaga kita makakalimutan dahil sa tuwing nagsusulat ako gamit ang paa ko, naaalala ko ang mga kamay kong nilagay mo sa umiikot na electric fan habang nag-i-spirit of the glass tayo.

0 shouts:

Instagram

Follow @ bebsisms