Navigation Menu

Featured Post

Lavender ang kulay ng mundo ni Omeng

Umuwi siyang bakas pa sa alaala ang bilis ng mga pangyayari sa loob ng bus ng hapong iyon. Hindi na niya naaninag ang mga mukha ng grupo ng mga lalakeng nakakurbata pero tumatak sa kanya ang mukha ng isa sa kanila nang sumigaw ito ng ‘holdap!’. Dalawang lalake ang mabilis na itinutok sa mga naninigas na pasareho ang kanilang dalang baril at tatlo ang sabay-sabay na nanlimas ng kanilang mga gamit, selepono at pera.

Eksayted siyang umuwi noon kasi huling araw na niya sa bankong pinagtatrabahuan at kinabukasan ay papasok na sana siya bilang copywriter sa isang maliit na ad agency. Sa wakas, papasukin ko na ang daigdig na matagal ko nang gusto, sabi sa sarili habang nakatingin sa estatwa ni Ninoy sa bungad ng Corinthian Gardens. Dahil nakuha niya ang sweldo nung araw na iyon at bilang gantimpala na rin sa sarili sa matagal na pagtitiis sa trabahong hindi niya mahal, dumaan siya ng Quiapo para bumili ng kulay ubeng casing para sa kanyang selepono.

“Cellphone mo!” sigaw ng mamang may pilat sa kanang kilay.

Bago niya pa ito iabot ay kinapkap na ng lalake ang kanyang bulsa, sapatos at underwear. Pakiramdam ni Omeng, nabastos siya, hindi dahil nahawakan ang kanyang nananahimik na ari kundi sa mga isinigaw sa kanya ng holdaper.

“Ano ba yan! 5110! Magpalit ka na ng selpown!”. Itinapon pabalik sa kanya ang selepono at dinig sa buong bus ang tinurang iyon ng walanghiyang magnanakaw. Natunaw ang dignidad ni Omeng, tila ba hinubaran siya ng karapatang magmataas na kung tutuusin, mas magaling siyang magsuot ng kurbata kaysa sa maangas na mama. Galit ang nabuo sa pagkatao niya, nagdilim ang kanyang paningin at parang superhero sa mga pelikula, sinaniban siya ng kakaibang lakas upang labanan ang mga kriminal. Tagumpay siyang naging tagapagtanggol ng mga biktima.

Abot-langit ang pasasalamat sa kanya ng mga natulungan nguni’t wala na siyang mukhang ihaharap sa kanila. Hindi pa rin siya natauhan mula sa kahihiyang idinulot sa kanya ng lalakeng uminsulto sa kanya. Ang pagwawalanghiya sa kanyang iyon kung tutuusin ay tinga lang sa mga nagyari sa kanya nang umagang iyon: tumawag ang boypren niya at sinabing hindi na siya nito mahal, natapilok siya sa elevator, pinagalitan siya ng 711 cashier dahil wala silang barya sa limandaang pisong binayad niya. Pero nang dahil sa isang selepono, pinagdudusahan niya ang kahihiyang walang kapantay.

Naglakad siya pauwi, naglalakbay ang sarili. Minarapat niyang humiga sa garahe ng apartment niya para subukang buuhin ang nabasag niyang kumpyansa sa sarili nguni’t kahit ano pa ang pilit niya, wasak na ang lahat ng pinaghirapan niya. Tumayo siya at aksidenteng nasipa ang isang lata ng pinturang lavender na inilaan sana niya para sa kanyang costume sa ati-atihan.

“Ube! Paborito ko ang ice cream na ube!”

Nagliwanag ang buong mundo niya. Noon lang siya nakaramdam ng matinding saya, isang pagbangon mula sa kamamatay lang na tiwala sa sarili. At sinimulan na niyang pinturahan ang garahe. Angganda. Angganda-ganda! Tumakbo siya sa sala at nilagyan ng pintura ang mga nakakalat na libro ni Haruki Murakami, ni Charles Dickens, ni Gabriel Garcia Marquez.

Ang mga cds ng Our Lady of Peace, ang mga memorabilia ni Sharon Cuneta, ang pirmadong movie poster ni Nini Jacinto, ang mga libro ni Bob Ong na itinuring na niyang bibliya, . Ansaya. Ansaya-saya! Sinunod niya ang kusina, ang kubeta, ang mga sabong panlaba, ang limang sachet ng anti-dandruff shampoo, ang lalagyan ng gamot para sa buni at an-an, ang masikip niyang kwarto, ang mga nakadikit na mukha ni Keanu Reeves, ni Kris Allen, ni Lea Salonga, ni Madonna, ang barong tagalog na matagal niyang pinag-ipunan, ang mga rebulto ng Sto. Niño, ang mga rosaryo.

Ang alaga niyang bonsai, ang buntis niyang pusakal, ang tsinelas niyang Spartan, ang itim niyang skinny jeans, ang tshirt niyang branded, ang kanyang mga kamay, ang makinis niyang mga braso, ang kanyang leeg, ang kanyang mukha. Ang malungkot niyang mukha!

Natuwa siya’t lumabas ng bahay at sinimulang pinturahan ang kalsadang binaha, ang mga pink na bakal sa EDSA, ang mga tulay, ang MRT, ang mga urinal, ang mga bangketang nagbebenta ng piratang dvd, ang mga tindering bungal, ang mga tinderang mapagsamantala, ang mga maiingay na pasahero, ang mga bus. Ang bus, kung saan lahat nagsimula.

“Akin na ang mundo!” Wala na siyang iba pang masabi sa ganda ng kanyang obra.

Bukas, paano ako magsisimula ng bagong buhay, tanong niya sa sarili.

Nagkulay lavander ang mundo ni Omeng. Pero habang buhay niyang dala ang bagahe ng kahihiyang idinulot sa kanya ng hamak na Nokia 5110.

0 shouts:

Instagram

Follow @ bebsisms