“Isang araw, titingalain ako katulad ng pagtingala ko sa makulay na paputok na ito”. Sumabog ang mga fireworks, iba-ibang kulay. Kumapit siya sa kamay ng inang nakangiti sa kanya – mga pagod nang kamay na nagtatawid ng kanilang gutom na sikmura sa araw-araw.
Parehong taon nung magpasya siyang makipagsapalaran sa isang hindi pamilyar na lugar – ang puntahan ng mga kaluluwang may matatayog na pangarap. Gubat na maituturing, naglipana ang mga asong handang lumamon sa mga estrangherong walang ibang bitbit kundi ang mataas na pag-asang mahahanap nila roon ang nakatakda para sa kanila.
Nahanap nga niya, sa prosesong hindi naging madali (at tanging ang kalangitan lang ang may batid ng lahat). Kung para sa iba na hindi naniniwala sa kakayahan niya ay nasa patag pa lang siya gayundin para sa ibang walang malay ng kanyang pinagdadaanan ay nasa tuktok na siya, nahanap niya ang sarili na nakatayo sa gitna ng talampas na iyon. Matagal na rin siyang nakadikit doon at nakamasid sa malawak na espasyo ng lupa habang nakatitig ang maliwanag na buwan na sadyang nagparamdaman sa ikalawang pagkakataon upang isambulat ang magiging katuparan ng kanyang tadhana.
Nagbalik-tanaw siya sa nagdaang taon. Naghatid ba ito ng saya sa kanya? Ng dalamhati? Ng pagkabagot sa paghihintay ng mga hindi dumating? Ng pagdaramdam? Masyado ba siyang naniwala sa mga hula? Naisip niyang panahon na upang gumawa ng mga hakbang para sa pag-angat ng sarili niya.
“Walang ibang gumagawa ng tadhana kundi ang sarili”.
Marami siyang pinapangarap maabot. Napapangiti siya tuwing naiisip niya ang mga iyon.
0 shouts:
Post a Comment