Navigation Menu

Featured Post

Nakakasabaw din ang mga panaginip

Hindi ko maikilos ang mga paa ko sa di maipaliwanag na dahilan. Humahangos, naghahabol ng hininga. Nilipad ko ang bubong ng lumang bahay namin sa Davao at walang pwersang lumipad papunta sa itaas ng katabing bahay-kubo. Aswang ako nun, hinahabol ng mga hindi ko kilalang tao. Nagising akong basang-basa ng pawis, ayun naman, laway lang pala.

Isang beses napanaginipan kong isa akong ibon na nagmamasid sa malawak na sapa na lagi naming nilalakaran noon papuntang eskwela. At sa panaginip na iyon, may isang talon sa dulo. Napagpasyahan kong puntahan ang napakagandang talon at dumaan sa ilalim ng tulay. Mabilis ko raw siyang nilipad at hindi ko pa man naabot ang pupuntahan ko, sumalpak na ang mukha ko sa madilim na ilalim ng tulay. Kung anuman iyon, hindi ko na alam kasi nagising na ako.

Naging madali para sa akin ang paglipad nung naging superhero ako sa isang panaginip. Naalala kong busog na busog ako nang matulog nang gabing iyon at muli, mula sa bubong ng lumang bahay namin sa Davao, sinimulan kong lakbayin ang kalawakan. Dumaan ako sa ibabaw ng puno ng kaimito, sa mga kable ng kuryente, sa ilalim ng eroplano. At pataas. Pataas ng pataas. Anggaan ng pakiramdam ko na para bang isinilang ako para lumipad kasama ng mga ibon at ulap. Napakasarap ng pakiramdam kahit hindi ako tumira ng ruby nun, hindi ko alintana na sa totoong buhay, takot akong pumunta sa mga matataas na lugar. Sa paglapag ko sa lupa, naghihintay sa akin ang isang grupo ng mga palaka at nilamon nila ako ng buong-buo.

Isang beses naman, umakyat ako sa hagdanang yari sa kawayan. Isang napakatayog at napakataas na hagdanan. Napasarap ang akyat ko at nang napatingin ako sa pinagmulang lupa, nabitawan ko ang hagdan at parang bulak na idinuduyan ng hangin, nalaglag ako ng dahan-dahan. Naramdaman ko ang aking pagbagsak. Napakatalinghaga. May ritmo. May liriko. Kasabay noon, ang pangambang baka atakehin ako sa puso.

Naisip ko ang posibilidad na baka dating buhay ko, isa akong aswang, ibon, superhero o social climber lang. Kung bibigyan ng mas malalim na kahulugan ang mga paglipad sa panaginip ko, pinapaliwanag siguro nito sa akin na kahit anong taas ng lipad mo, babagsak at babagsak ka rin sa lupa dahil may gravity ang mundo.

Kaninang madaling-araw, sa unang pagkakataon napanaginipan kong sumisid ako sa isang napakalalim na dagat. Hindi ako sigurado kung isa akong Survivor castaway sa panaginip na iyon pero may tinuruan ako kung paano lumangoy. Ang kabalintunaan niyan, sa totoong buhay, natatakot ako sa dagat. Dahil ang dagat, nilalamon ang sinumang lumaban sa daloy ng kanyang mga daluyong. Kung bibigyan ito ng malalim na kahulugan, sinasabi nitong kailangan ko na uling magbawas ng timbang dahil kasimbigat ko na ang isa’t kalahating butanding. Nangyari ang panaginip na ito sa bagong taon. Bakit kaya ako napasisid? Ano ang mga aral na napulot ko sa mga panaginip na ito?

Hindi ko alam. Sabaw lang.

0 shouts:

Instagram

Follow @ bebsisms